top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Bakit malayo ang Diyos sa atin?

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 30, 2021
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 30, 2021



Malayo ba ang Diyos sa atin?


Ganito ang naging buhay at panata ng mga taong banal — na tinawag na santo o santa.


Isang kilalang santa si Teresa ng Calcutta. Sa kanyang talang-buhay, ipinagtapat niya ang kakaibang karanasan sa Diyos. “Nanatiling malayo at hindi maabot ang Diyos,” ganito ang ipinagtapat niya sa “Come Be My Light”. Bagama’t tungkol sa liwanag ang libro, ipinagtapat ng santa ang kadilimang naranasan nito. Aniya, “If ever I become a saint I will surely be one of darkness. And I will light the light of those who are in darkness on earth.”


Kung nararanasan niya ang kadiliman o ang mahabang panahon ng tagtuyot o pakiramdam na malayo ang Diyos sa kabila ng malalim at taimtim na panalangin, hindi ito susuko o aayaw, bagkus ay mananatiling tapat at ipagpapatuloy ang paghahanap at pananalangin sa Diyos.



Naging mahirap ang buhay-panalangin at buhay-espirituwal noong mga nakaraang buwan at taon dulot ng pandemya. Paano mararamdaman ang mainit, nagbibigay-sigla at buhay na presensiya ng Diyos sa gitna ng walang humpay na paghihirap, pag-aagaw-buhay at kamatayan ng marami sa panahon ng COVID-19?


Mahabang pagpasok sa “madilim na gabi ng kaluluwa” o dark night of the soul. At dito makikita ang kabanalan ni Santa Teresa. Bagama’t buong buhay niya naranasan ang madilim na gabi ng kaluluwa, hindi ito makikita sa kanyang pang-araw-araw na pagkilos.


Palagi siyang masaya, anuman ang kanyang ginagawa. Simple pero hindi ito madali.


Nakita ng santa ang Diyos sa mga may sakit, sa mga malapit nang mamamatay, sa mga lubhang mahirap at nagugutom sa lipunan.


Ang ebanghelyo sa araw ng Pasko ay mula kay Juan, “Sa pasimula pa’y naroon na ang salita. Kasama ng Diyos ang salita at ang salita ay Diyos… Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin.” (Juan 1:1-14)


May katawan, may laman ang Diyos at ito ay ang Kanyang anak na isinilang kay Maria, lalang ng Espiritu Santo. At ang Anak na salitang naging tao na nanirahan sa piling natin ay ang yakap, ang pang-ibig ng Ama. Hindi na ito kailangang pag-aralan ni Santa Teresa ng Calcutta. Mula nang simulan niya ang misyon sa mga tinalikuran, pinabayaan at pinagtaksilan ng lipunan kayang tiningnan, pinakain, pinainom, pinaliguan, dinamtan, binigyang-mahihigan at matutuluyan, niyakap ang kapwa tulad ng pagyakap ng Diyos sa bawat isa sa pamamagitan ng paninirahan ni HesuKristo sa ating piling.


Hindi ba’t ito rin ang mapait na leksiyon ng pandemya. Maaaring matakot at magtago tayo sa pandemya hanggang sa magtago na rin tayo sa ating kapwa-tao. At sa patuloy na paglalal ng pandemya, marami na rin sa atin ang namulat sa tunay na kabuluhan ng buhay: ang pagtungo, pagkalinga at pagyakap sa kapwa. Dahil sa malawak na pagkawala sa bahay, kabuhayan,

pagkain, tubig, kuryente at ng dating ginhawa ng buhay, tunay na mapait ang buhay na hirap nang bumangon sa pandemya ay sinalanta pa ng Bagyong Odette.


At ang salita ay naging tao dahil sa pandemya at sa mga bagyo tulad ni ‘Odette’… siya ay lalong nanirahan sa ating piling upang turuan tayong magmahal at maging yakap ng Diyos sa isa’t isa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page