Bakit kailangang simulan ang seryoso at makabuluhang lakaran?
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 8, 2021
Maikli lamang ang nilakad ng mga lumahok sa LakaRun para sa Bagong Misyon mula Commission on Human Rights hanggang sa simbahan ng Parokya ng Banal na Sakripisyo noong Huwebes ng umaga. Marahil, humigit-kumulang isang kilometro lamang ang nilakad ng lahat, tiyak na bitin para sa karamihan ang ikli ng nilakad.
Ang tunay na lakaran ay mahaba at matagal, tulad ng lakaran mula Simbahan ng Quiapo hanggang Katedral ng Nuestra Senora de la Paz y Buen Viaje o ang lakaran mula sa iba’t ibang parokya sa Maynila hanggang “Grotto” sa San Jose del Monte, Bulacan. Subalit, wala pa tayong maituturing na seryoso at mahabang lakaran ng Sambayanang Pilipino na maaaring ihambing sa kilalang Camino del Santiago de Compostela.
Kung babalik tayo sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino laban sa España, maaari nating mabasa ang isinulat ni Andres Bonifacio tungkol sa lakaran at ang mismong lakaran na isinasagawa ni Apolinario dela Cruz ng Tayabas. Mahalagang pag-aaral ito na kailangang gawin, subalit hindi natin ito magagawa sa limitadong puwang ng artikulong ito.
Sa mga nagdaang buwan, unti-unting luminaw ang pangangailangang simulan ang seryoso at makabuluhang lakaran. Nagsimula na noon pang Oktubre 2019 ang usapin tungkol sa mahabaang paglalakbay bilang makabuluhang pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kritiyanismo sa Pilipinas.
Kausap natin ang kilalang iskultor na si Willy Tadeo Layug ng Betis, Pampanga. Isang mahalagang sangkap ng lakarang ito ay ang paglilok ng partikular na Krus na hahamon sa lahat na mag-isip, magnilay, magdasal at kumilos sa makabuluhan at mabungang paraan hindi lang bilang pag-aalala at pasasalama sa nagdaang 500 taon ng Kristiyanismo, kundi bilang pagtataya sa susunod na 500 taon. Unti-unting nabuo ang konsepto at plano ng mahabaan at malawakang lakaran sa iba’t ibang bahagi na kapuluan.
Marami na tayong nakausap. At isa sa pinakahuling nakausap ay si Chito Gascon, Chairman ng Commission on Human Rights. Sa aming pag-uusap noong ika-15 ng Setyembre, napag-usapan namin ang LakaRun para sa Bagong Misyon. Ngunit sa sa kasawiang-palad, ilang araw pagkatapos naming mag-usap, nadale ng COVID 19 si Chairman Gascon hanggang sa lumala at namatay ito noong ika-9 ng Oktubre. Noong mamatay si Chair Gascon, nakausap natin ang isa sa mga Commissioners ng CHR na si Karen Gomez Dumpit.
Sa pag-uusap namin ni Commissioner Dumpit, naikuwento nito ang hindi inaasahang kamatayan ng kanyang amang si Buddy Gomez sa España sa gitna ng pagsasagawa nito ng naturang “maikling Camino de Santiago de Compostela.” Namatay habang natutulog si Buddy Gomez sa España. Ayon sa kanyang anak na si Commissioner Dumpit, naglalakad ng 20 hanggang 25 kilometro ang kanyang 86 taong gulang na ama.
Natuloy din ang paglulunsad ng LakaRun para sa Bagong Misyon noong ika-28 ng Setyembre.
Masayang ibinalita natin ito kay Chair Chito Gascon. Ito ang ating ipinadalang mensahe sa kanya, “Hi Chito. We are here in Betis for the launch of the 500 crosses. We are planting trees with the youth of Betis Will remember you at the 5:30pm Mass and during the walk from Betis to Malolos. Praying that you get well soon Chito. God bless.” At mabilis sumagot ito, “Salamat Father! Onward with the Camino…We Fight for its Principles in Our Hearts…and in Our Hearts… Amen! (ika-28 Setyembre 2021, alas-9:00 ng gabi)
Humigit kumulang 800 kilometro ang layo ng pinakamahabang ruta ng Camino de Santiago de Compostela magsisimula ito sa St. Jean-Pied-de Port sa Pransia hanggang sa Santiago de Compostela sa España.
Sa huling mensahe ni Chito Gascon, nagsimula na ang Lakaran ng Bagong Misyon.
Nakapagtanim na tayo ng 10 krus at marami pang kailangang itanim. Ngunit ang mahalaga, ayon na rin sa mensahe ni Chito, nagsimula na ang lakaran sa ating mga puso… Nagsimula na ang ating sariling lakaran… Ang Camino del Pueble Filipino… Ang Lakaran ng Sambayanang Pilipino.





Comments