Bakit hindi pensiyon ang natanggap ko sa aking retirement benefit?
- BULGAR
- May 31, 2021
- 2 min read
@Buti na lang may SSS | May 31, 2021
Dear SSS,
Kamakailan ay nag-file ako ng aking retirement claim at ang natanggap ko ay lump sum amount. Batay sa rekord ng SSS, ako ay nakapaghulog ng 100 buwanang kontribusyon. Nais kong itanong kung bakit hindi pensiyon ang natanggap ko sa aking retirement claim? – Tomas ng Rodriguez, Rizal
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Tatay Tomas!
Ang benepisyo sa pagreretiro o ang retirement benefit ay ipinagkakaloob ng SSS sa miyembrong umabot na sa retirement age. Ang karaniwang retirement age ng mga manggagawa ay 60 taong gulang. Subalit, ang edad ng pagreretiro ay 55 taong gulang para sa mga professional racehorse jockey o hinete at 50 taong gulang naman para sa mga underground at surface mineworker o mga minero.
Dalawang uri ang pagbabayad ng benepisyo sa pagreretiro. Ito ay ang buwanang pensiyon o lump sum benefit kung saan ang ibibigay sa retiradong miyembro ay naaayon sa bilang ng naihulog niyang kontribusyon.
Kung nakapaghulog ng hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro, makatatanggap ang miyembro ng buwanang pensiyon. Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 120 buwan ang naihulog ng miyembro.
Sa iyong kaso, Tatay Tomas ay tama lamang na lump sum benefit ang iyong natanggap bilang inyong retirement benefit dahil hindi ninyo natugunan ang isa sa pangunahing kuwalipikasyon upang makatanggap ng buwanang pensiyon dahil hindi umabot sa 120 buwanang kontribusyon ang naihulog ninyo sa SSS bago ang inyong pagreretiro.
Kaya, mahalagang i-check ng miyembro na magreretiro kung sapat na ang naihulog niya upang makatanggap ng buwanang pensiyon mula sa SSS. Sa ngayon, madali ng i-monitor ang naihuhulog nila sa SSS sa pamamagitan ng pagrerehistro at paggawa ng kanyang sariling My.SSS na matatagpuan sa SSS website.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments