Bakbakang astigin ng Gazz at Cool Smashers, abangan
- BULGAR
- Mar 25, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | March 25, 2023

Mga laro sa Linggo
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
Battle-for-Bronze
4:00 n.h. – F2 Logistics Cargo Movers vs PLDT High Speed Hitters
Game 1: Best-of-three Finals
6:30 n.g. – Creamline Cool Smashers vs Petro Gazz Angels
Liliparin ng Petro Gazz Angels ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato laban sa nagtatanggol na Creamline Cool Smashers sa rematch ng all-local matchup noong isang taon sa Games 1 ng best-of-three Finals ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Susubukan ng Angels na makabawi kontra Cool Smashers sa pangunguna ni Filipino-American middle blocker Mar Jana Phillips na tumalo sa kanila sa 2022 Open Conference Finals, habang nakahanda namang gabayan ni ace playmaker Julia Morado-De Guzman ang Creamline katulong ang mas pinatatag na grupong nais makabawi sa pagpalyang makapasok sa championship round at naunsyaming Grandslam noong huling komperensya kasunod ng back-to-back title.
Siniguro ng Petro Gazz na makakatuntong muli ang mga ito sa Finals kasunod ng naganap na balasahan bago ang pagsisimula ng liga na nagdulot sa paglisan ng premyadong spiker na si Myla Pablo, libero Bangs Pineda, middle blocker Seth Rodriguez at coaches Rald Ricafort at Arnold Laniog. Pinatunayan ng beteranong koponan na may ibubuga ang mga ito kontra sa mas batang manlalaro ng PLDT High Speed Hitters nang walisin sa pamamagitan ng straight set sa 25-17, 25-23, 25-15 nitong Huwebes ng gabi.
Hindi pa nagagawang talunin ng Petro Gazz ang Creamline sapol pa noong magtapat sila sa Finals noong 2019 Reinforced Conference sa winner-take-all Game 3 sa tulong ng imports na sina Wilma Salas at Janisa Johnson. Ito rin ang unang pagkakataon na makakapasok ng Finals si Petro Gazz coach Oliver Almadro na pumasok sa koponan bago ang pagbubukas ng liga matapos magresign sa Choco Mucho Flying Titans noong komperensiya.








Comments