Baha, lampas-tao... Habagat, hataw hanggang Huwebes
- BULGAR
- Jul 22
- 1 min read
ni Mai Ancheta @News | July 22, 2025

Patuloy na makararanas ng tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat hanggang sa Huwebes sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Ito ang pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa harap ng walang patid na pag-ulan simula nitong weekend kahit nakaalis na ang Bagyong Crising.
Ayon sa PAGASA, bukod sa Metro Manila, mararamdaman din ang mga pag-ulan sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at ilang bahagi ng Ilocos Region.
Patuloy na mararamdaman ang malakas na pag-ulan simula Lunes hanggang Martes sa National Capital Region, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas at Rizal.
Nitong Lunes, nakaranas ng mga pagbaha ang maraming lugar sa Metro Manila kaya nag-alok ng libreng sakay ang Department of Transportation (DOTr) partikular sa MRT 3, LRT 1 at 2.
Nag-deploy naman ng bus at truck ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa libreng sakay sa rutang Quiapo hanggang Angono, Rizal; Quiapo hanggang Fairview, Quezon City; at Lawton hanggang Alabang, Muntinlupa City.
Samantala, sa ibang lugar sa bansa, umabot na sa lampas-tao ang baha na nagdulot ng pagkawasak ng mga bahay at ari-arian.
Comments