top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | July 22, 2025



Dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Habagat, tumaas ang tubig-baha sa ilang lugar sa Valenzuela City, partikular sa kahabaan ng Mc Arthur Highway sa BBB sa Brgy. Marulas. (Maeng Santos)

Patuloy na makararanas ng tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat hanggang sa Huwebes sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.


Ito ang pagtaya ng  Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa harap ng walang patid na pag-ulan simula nitong weekend kahit nakaalis na ang Bagyong Crising.


Ayon sa PAGASA, bukod sa Metro Manila, mararamdaman din ang mga pag-ulan sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at ilang bahagi ng Ilocos Region.

Patuloy na mararamdaman ang malakas na pag-ulan simula Lunes hanggang Martes sa National Capital Region, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas at Rizal.


Nitong Lunes, nakaranas ng mga pagbaha ang maraming lugar sa Metro Manila kaya nag-alok ng libreng sakay ang Department of Transportation (DOTr) partikular sa MRT 3, LRT 1 at 2.


Nag-deploy naman ng bus at truck ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa libreng sakay sa rutang Quiapo hanggang Angono, Rizal; Quiapo hanggang Fairview, Quezon City; at Lawton hanggang Alabang, Muntinlupa City. 


Samantala, sa ibang lugar sa bansa, umabot na sa lampas-tao ang baha na nagdulot ng pagkawasak ng mga bahay at ari-arian.

 
 

ni Lolet Abania | June 26, 2022



Isang low pressure area (LPA) ang namataan na magdudulot ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa buong Visayas, Bicol region, Calabarzon, Mimaropa, Isabela, at Aurora, ayon sa PAGASA ngayong Linggo.


Batay sa 4PM weather bulletin ng PAGASA, namataan ang LPA sa layong 70 kilometro east southeast ng Surigao City, Surigao del Norte ng alas-3:00 ng hapon ngayong Linggo.


Nagbabala naman ang PAGASA sa posibleng flash floods o landslides dahil sa mararanasang katamtaman at paminsan-minsang pagbuhos ng malakas na ulan sa mga lugar na apektado ng LPA.


Ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rain showers o thunderstorms.


Pinapayuhan ang mga residente lalo na sa mga apektadong lugar sa posibleng flash floods o landslides na mararanasan sa severe thunderstorms.


Ayon pa sa PAGASA, “The whole archipelago will experience light to moderate wind speeds, while coastal water conditions will be slight to moderate, with waves ranging from 0.6 to 2.1 meters high.”


 
 

ni Lolet Abania | April 8, 2022



Idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Davao de Oro, ang probinsiya sa state of calamity ngayong Biyernes dahil sa idinulot na pinsala sa agrikultura at ari-arian sanhi ng low pressure area (LPA).


Sa inilabas na Resolution No. 1813-2022, ang Sangguniang Panlalawigan ay nagdeklara ng state of calamity para mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga apektadong komunidad.


Base sa initial assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council’s Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (PDRRMC-RDANA) ay nakasaad, “the LPA ‘severely damaged’ houses, infrastructure, livelihoods, crops, agricultural products, and power lines within the province.”


Wala namang ibinigay ang resolusyon na pagtaya sa halaga ng pinsala na idinulot ng weather disturbance. Ayon sa 24-oras na weather forecast ng PAGASA ngayong Biyernes, magdudulot ang LPA at intertropical convergence zone (ITCZ) ng maulap na papawirin, kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa buong bahagi ng bansa.


Bandang alas-3:00 ng hapon, namataan ang LPA na nasa layong 185 kilometers east northeast ng Surigao City. Sinabi ng PAGASA na mino-monitor na rin nila ang isa pang tropical storm sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kung saan huling namataan sa layong 2,215 kilometers east ng Mindanao.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page