Bagyong Josie, posibleng pumasok sa PAR – PAGASA
ni Lolet Abania | September 14, 2022

Bahagyang lumakas ang Tropical Storm Nanmadol at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bilang isang bagyo, ayon sa PAGASA ngayong Miyerkules.
Namataan ang TS Nanmadol sa layong 1,930 kilometro east ng extreme northern Luzon ng alas-10:00 ng umaga, habang may maximum sustained winds ito na 75 kph malapit sa sentro at pagbugsong aabot ng hanggang 90 kph.
Ayon sa PAGASA, “dahan-dahan” itong kumikilos northeastward, kung saan ang tropical cyclone ay posibleng pumasok sa PAR ng Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga at papangalanan itong “Josie.”
Sinabi ng state weather bureau, habang ang Nanmadol ay hindi nakikitang direktang makakaapekto sa bansa, maaari nitong palakasin ang southwest monsoon o habagat at magdudulot ng mga pag-ulan sa buong western sections ng southern Luzon at Visayas simula Miyerkules o Huwebes.
“As such, the issuance of a Weather Advisory is not ruled out should heavy rains become possible or likely,” pahayag ng PAGASA.
Batay sa 24-hour weather forecast ng PAGASA, maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang maaaring maranasan sa Occidental Mindoro, Palawan, Aklan, at Antique.
Asahan naman ang Metro Manila at ang mga natitirang bahagi ng bansa na makaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may isolated rain showers, base sa forecast period ng weather agency.





Comments