- BULGAR
Bagong uri ng COVID-19 vaccines, tiyaking epektib bago iturok
ni Ryan Sison - @Boses | August 19, 2022
Naglaan ng pondo ang Department of Health (DOH) para sa pagbili ng bagong uri ng COVID-19 vaccines na ginawa laban sa mga bago at nakahahawang variants ng virus.
Paliwanag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, bago pa man kumalat ang mga bagong subvariants ng virus ay natalakay na ng kagawaran ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng naturang mga bakuna.
Tiniyak din ng opisyal na ang mga bakuna ay mas epektibo kumpara sa mga kasalukuyang ginagamit. Gayundin, tinukoy ni Vergeire na ang bakuna na bivalent at multivalent na ginawa para lumaban sa mga mas nakakahawang variants gaya ng Omicron.
Bagama’t inaasahang ilalabas ng mga manufacturers sa Oktubre ang bagong batch ng mga bakuna, binigyang-linaw ng opisyal na matatagalan pa bago ipamahagi sa publiko ang bakuna dahil kailangan pang mag-apply at mabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ang manufacturers mula sa Philippine Food and Drug Administration.
Matatandaang unang nagpahayag ng pagkabahala si Vaccine Expert Panel, chairperson Nina Gloriani sa pag-usbong ng mga bagong COVID-19 variants sa bansa, na inaasahang papalit sa Omicron.
Magandang balita na may mga bagong bakuna laban sa mga bagong COVID-19 variants, pero bago ang lahat, sana’y matiyak na talagang epektibo at ligtas ito sa publiko.
Isama na rin ang pagbibigay-kaalaman tungkol sa bakuna at pagpapaunawa ang kahalagahan nito laban sa mga naturang variant. Mahalagang hakbang ito upang magtiwala ang taumbayan sa bakuna, gayundin para maiwasan ang takot.
Higit sa lahat, hangad nating mapakinabangan ang mga bibilhing bakuna at walang masasayang na pondo ng gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com