Bagong strain ng COVID-19, mas malakas at matinding makahawa kaya itodo ang pag-iingat!!!
- BULGAR

- Aug 21, 2020
- 2 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 21, 2020
Nakakalungkot ang bagong balita na mayroon umanong nadiskubreng bagong strain ng COVID-19 na natagpuan sa ilang pasyente sa Quezon City nang suriin ang mga small sample ng mga bagong kaso.
Ayon sa eksperto ng Infectious Disease Specialist na si Dr. Rontgene Solante, ang bagong strain ay higit na mas nakahahawa ng dalawa hanggang tatlong ulit kumpara sa dating COVID-19.
Ang dating COVID-19 na patuloy pa ring nananalasa at araw-araw may nahahawa at nasasawi ay higit pa umanong lumakas dahil sa may sarili umanong kakayahang mag-adapt sa kapiligiran.
Hindi natin tinatalakay ang mga pagbabagong ito hinggil sa COVID-19 upang takutin ang ating mga kababayan kung hindi ang iparating sa kanila ang pinakahuling pangyayari sa ating kapaligiran upang higit na makapag-ingat.
Dapat nating pagtuunan ng pansin na ang mga bansang nag-aalok ng gamot laban sa COVID-19 ay hindi pa pinapayagan ng Department of Health (DOH) na gamitin ng ating mga kababayan dahil may mga proseso pang sinusunod.
At sa pagkakataong ito ay wala pang nakatitiyak kung ang nadiskubreng bakuna ay akma pa sa COVID-19 na natuklasang may bagong strain o kung sapat na ito para iligtas tayo sa pandemyang ito.
Pansamantala ay kumalma ang bawat isa at ipaubaya natin sa mga eksperto kung paano natin haharapin ang mga pagbabagong ito sa COVID-19 upang hindi tayo mapahamak.
Kung ako mismo na sobra na ang pag-iingat at pagsunod sa umiiral na health protocol ay nahawa pa, mas lalong nasa delikadong sitwasyon ang mga kababayan nating binabalewala ang paghihigpit ng pamahalaan.
Hindi katuwiran ‘yung kung oras mo na, oras mo na dahil parang hinahamon pa natin ang sitwasyon sa halip na sumunod tayo para mabawasan ang problema ng ating bansa.
Ayon sa pinakahuling forecast ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) ay posibleng umabot na ang kaso ng COVID-19 sa 230,000 sa katapusan ng Agosto na sobrang malapit sa katotohanan.
At ang forecast na ito ay inihayag ng UP na hindi pa gaanong napagtutuunan ng pansin ang bagong strain ng COVID-19 na tiniyak ng mga eksperto na higit na mas malakas makahawa kumpara sa dating virus.
Kaya sa panig ng ating mga kababayan ay wala tayong magagawa kung hindi ang magsuot ng tamang facemask, face shield at regular na maghugas ng mga kamay dahil sa kasalukuyan ay ito pa rin ang tamang pangontra para maligtas.
Dahil marami ang namamahalan sa pagbili ng makapal ng facemask ay makabubuting maglagay ng karagdagang sapin sa suot ninyong facemask, kahit ano ay puwede basta hindi tatagos ang hanging papasok sa inyong bibig.
Kapag suot na ninyo ang facemask na meron kayo ay subukan ninyong ihipan ang nakasindeng kandila at kapag ito ay namatay ay malaki ang posibilidad na tumagos din papasok ang COVID-19 sa inyong bibig o ilong.
Napakahirap nang mahawa sa COVID-19, dinanas ko ito maging ang buo kong pamilya ay labis ang pag-aalala at dumanas ng labis na pangamba na ayaw ko nang danasin ng kahit sino dahil talagang isusumpa ninyo ang hirap na tatahakin ng isang nahawa.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments