Bagong schedule para sa gov’t employees, inihihirit
ni Ryan Sison - @Boses | April 13, 2022
Upang mabawasan ang mabigat na daloy ng trapik, iminumungkahi ng Metro Manila Development Council ang pagbabago sa work schedule ng mga government employees na nasa National Capital Region (NCR).
Sa ilalim ng bagong work schedule, magiging alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon ang pasok ng mga government worker upang mabawasan ang bigat ng trapik tuwing rush hour.
Gayunman, isa pang rekomendasyon ang 4-day work week, kung saan magiging 10 oras kada araw ang pasok sa mga opisina.
Nakikipag-ugnayan na umano ang MMDA sa Civil Service Commission at nakatakdang makipagpulong pagkatapos ng Holy Week.
Hindi maitatangging bumalik na sa pre-pandemic level ang dami ng sasakyan sa Metro Manila ngayong nasa Alert Level 1. Bagay na naging dahilan ng mabigat na daloy ng trapik at pahirapang pagbiyahe.
At bagama’t may ipinatutupad na number coding, hindi ito sapat upang tuluyang masolusyunan ang problema sa trapik.
Pero kung sa tingin natin ay makatutulong ang pagpapaaga ng pasok sa mga tanggapan ng gobyerno upang mabawasan ang trapik, gawin na natin gayung wala pang pangmatagalang solusyon upang tugunan ang trapik.
Pakiusap lang sa mga kinauukulan, sana’y may patunguhan ang mga suhestiyong ito.
Seryoso na ang problema sa trapik at ‘di ito puwedeng isantabi dahil mamamayan na naman ang magdurusa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments