Bagong registered voters, 1.1 milyon na – Comelec
ni Lolet Abania | January 22, 2023

Umabot na sa 1.1 milyon ang bilang ng mga bagong botante eksaktong siyam na araw bago matapos ang voter registration para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nang magsimula ang voter registration para sa BSKE noong Disyembre 12, 2022, nakapagtala na ang poll body ng tinatayang 1,100,000 bagong voters.
Sa nasabing bilang, nasa tinatayang 7,000 voter registration applications ang pinoproseso sa ilalim ng Register Anywhere Project (RAP) ng Comelec, kung saan pinapayagan ang mga kwalipikadong Pinoy voters na mag-register sa mga booths sa partikular na mga establisimyento gaya ng mga malls.
Ang voter registration ay magtatapos sa Enero 31, habang ang RAP ay tatagal naman hanggang Enero 25, 2023.
Ayon kay Garcia, isa sa mga layunin ng paglalagay ng pilot test ng RAP sa mga piling malls ay para rin makapaglatag ng mga special polling precincts para sa mga Filipino seafarers.
“Madami sa kanila ‘yung nagpalipat na ng registration abroad sa pag-aakalang sila ay makakaalis bago ang eleksyon. Pero dumating ang eleksyon, hindi pa sila nakakaalis.
‘Pag gano’n, hindi sila nakakaboto. Dapat mapaboto pa rin natin sila kahit sila ay naghihintay papunta sa abroad,” sabi ni Garcia.
Ang BSKE ay gaganapin dapat noong Disyembre 2022 subalit iniurong sa Oktubre 2023.





Comments