top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Bagong pasilidad sa Quezon City, inagurahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 17, 2020
  • 2 min read

ni Lolet Abania | August 17, 2020




Pinasinayaan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Carlito Galvez, COVID-19 policy chief implementer, ang Center for Emerging and Re-emerging Infectious Diseases, bagong pasilidad ng gobyerno, na nasa East Avenue Medical Center (EAMC).


Gayundin, ang gusali ay may anim na palapag at kayang mag-okupa ng 250 patients. Sa loob nito, may emergency room complex, operating room, dialysis unit, isolation room at ang intensive care unit.


Sinimulan ang pagpapatayo ng gusali noong 2014, na umabot sa P560 milyon ang naging gastos, kung saan ilalaan dapat sa mga pasyenteng may iba't ibang uri ng nakakahawang sakit. Subalit, dahil sa pandemya ng coronavirus, gagamitin na ito agad para sa mga kaso ng tinamaan ng COVID-19.


"The East Avenue Medical Center is leveling up by assigning its six-story building for all COVID-related activities," sabi ng medical chief ng EAMC na si Dr. Alfonso Nuñez.


Ito ay bilang tugon na rin sa mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagkakaroon ng dagdag na pasilidad kontra COVID-19.


"Sa pamamagitan po ng pasilidad na ito, atin pong matutugunan ang paggamot sa ating mga kababayan na tinamaan ng nasabing sakit," sabi pa ni Galvez.


Samantala, bukod sa EAMC, nagpapatayo rin ang city government ng sariling COVID-19 molecular biology laboratory. Gagawing testing center ang gusali ng Barangay Teacher's Village East. Inaasahang magagamit na ito bago mag-Setyembre.


Gayunman, ang DOH ang magbibigay ng accreditation dito, na posibleng makapag-test ng 500 sa pasilidad araw-araw.


"Kapag tayo na ang nagpa-process ng ating specimens, hindi na tayo aasa sa mga private laboratories or sa private hospitals," sabi ni Belmonte.


Ayon pa kay Belmonte, posible ring gamitin ang laboratoryo para sa ibang sakit tulad ng dengue, tuberculosis at ang human immunodeficiency virus (HIV).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page