top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Bagong P1,000 polymer bill, ipagmalaki at ingatan

Writer: BULGAR
BULGAR
May 10, 2023
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 10, 2023


May kasabihan na kung ano ang laki ng butones ay ganundin ang sukat ng ohales—gaya ng mas maraming pera, mas maraming problemang kinakaharap, na isang sentimyentong ilang panahon nang kinakaharap ng ating mga kababayan.


Marami kasi sa ating mga kababayan ang iniiwasang magkaroon o mag-ingat ng bagong P1,000 polymer bill dahil sa kalituhan at umiikot na kung anu-anong kuwento na bawal umanong tupiin o lukutin ang bagong pera nang umiikot.


Marahil, marami ang nakaranas na hindi na tinatanggap ang bagong P1,000 polymer bill sa kanilang mga transaksyon dahil nakatupi, lalo na sa mga palengke na madalas ay basa at malansa ang pera, at maging sa mga sabungan ay iniiwasan ito dahil karaniwang ibinabato nang nakalukot ang pera ng mga namumustang sabungero.


May mga naglabasan pa sa social media na papatawan umano ng parusa o pagkakakulong ang sinumang magbabayad ng P1,000 polymer bill na nakatupi o lukot-lukot na hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw sa marami kung ano talaga ang umiiral na panuntunan hinggil dito.


Sa mga kababayan nating maraming tanong hinggil sa bago nating P1,000 polymer bill, mas makabubuting magtungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) official website at makikita ang detalyadong paliwanag hinggil sa nasa sirkulasyon nating salapi at hindi na karapat-dapat para gamiting panggastos.


Unang-una, kung matindi ang pagkakalukot ng bagong P1,000 polymer bill na humantong na sa pagkasira ng fiber ng papel at may mga indikasyon na pagsisimula na ng pagkasira, hindi na ito maaaring tanggapin.


Bawal na rin ang masyadong marumi o may mga sulat, nagbago na ang sukat, masyado nang malata at tila mukhang basahan na ang hitsura, ngunit kung ordinaryong tupi lamang at hindi naman nasira ang fiber ay maaari natin itong gamitin sa pang-araw-araw nating gastusin.


Ayon naman sa pamunuan ng BSP, hindi basta-basta aarestuhin ang isang indibidwal na gumamit ng depektibong P1,000 polymer bill o ibang halaga ng perang papel kaya wala namang dapat ikatakot.


Kaya lang, may umiiral na batas na ayon sa Presidential Decree No. 247, “Any person who violates this Decree shall be fined in the amount of not more than P20,000 and/or imprisoned for a period of not more than five years.”


Ibig sabihin, ayos lang ipambayad ang mga tupi o lukot na pera, ngunit aarestuhin naman ang sinumang mahuhuli sa aktong sinisira ang ating umiiral na salapi sa bansa, kaya kung nasa pag-iingat ninyo ang sa tingin ninyo ay hindi na puwedeng pera, agad na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na bangko sa inyong lugar.


Dapat ay ikatuwa ng ating mga kababayan ang bago nating P1,000 polymer bill dahil ginawaran ito ng ‘Banknote of the Year Award’ ng global non-profit organization International Banknote Society (IBS) noong 2022 at nitong Huwebes lamang inanunsyo ng BSP.


Dahil ang polymer banknote umano ang unang Philippine banknote na nagkamit ng parangal dahil dinaig natin ang Algeria, Barbados, Egypt, Northern Ireland, at Scotland.


Ayon umano sa IBS, matagumpay ang Pilipinas sa inilabas na disenyo na kaakit-akit sa mga mata ang kumbinasyon ng asul at endangered species na may environmental motif na dahil nga sobrang ganda ay iniiwasan naman ng ating mga kababayan.


Tampok sa ating bagong P1,000 polymer ang Philippine eagle at national flower na Sampaguita, na pumalit sa dating disenyo ng parehong denomination kung saan makikita naman ang ating mga bayani na sina Vicente Lim, Josefa Llanes Escoda, at Jose Abad Santos.

Nakadisenyo naman sa likod nito ang Tubbataha Reefs Natural Park na idineklarang World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), maging ang T’nalak weave design ng T’boli people at ang South Sea Pearl.


Kung inyong matatandaan, unang isinapubliko ng BSP ang disenyong ito noong Disyembre 2021, at inaprubahan naman ng National Historical Institute bago inilabas sa publiko noong Abril 2022.


Ngunit sa halip na ikatuwa ng ating mga kababayan ang malaking pagbabagong ito sa ating P1,000 bill ay inulan ito ng kritisismo dahil tatlong bayani umano ang isinakripisyo kapalit ng Philippine eagle na kalaunan ay unti-unti na ring nagugustuhan ng ating mga kababayan.


Pinatunayan ng BSP na parehong mahalaga ang cultural preservation at pagpapahalaga sa mga minana nating yaman na hindi lang naman sa perang papel matatagpuan dahil maging sa mga coins ay makikita na ang ilan sa mga ito.


Nakakatuwa na sinusubukan ng BSP ang paglalabas ng polymer banknotes sa inisyal na daang milyong piraso gamit ang materyal katulad sa mga bansang Australia, Canada, Mexico, New Zealand, at sa United Kingdom.


Ang ating salaping papel ang isa sa unang bumubungad sa ating mga dumarating na turista, at maganda itong first impression, kaya dapat ay huwag nating iwasan ang bagong P1,000 o ipagpalit sa luma dahil dapat natin itong ipagmalaki at ingatan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page