top of page

Bagong NBA audience record itinala sa Warriors vs. Spurs

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 15, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 15, 2023




Nagtala ng bagong marka para sa pinakamaraming nanood ng isang laro sa kasaysayan ng NBA kahapon. Tinalo ng bisitang World Champion Golden State Warriors ang San Antonio Spurs, 144-113, sa harap ng 68,323 tagahanga sa Alamodome.


Walo sa 10 ipinasok na Warriors ang nag-ambag ng 12 o higit na puntos sa pangunguna ng mga reserbang sina Jordan Poole na may 25 at Donte DiVincenzo na may 22. Hindi na pinalaro ang Splash Brothers Stephen Curry (15) at Klay Thompson (14) sa 4th quarter kung saan umabot ng 142-103 ang lamang ng Golden State palapit sa huling 2 minuto sa dunk ni Kevon Looney.


Ang lumang marka ay 62,046 sa tapatan ni Michael Jordan at Chicago Bulls kontra Atlanta Hawks sa Georgia Dome noong Marso 27, 1998. Hindi kasama sa listahan ang 108,713 na nanood sa 2010 All-Star Game sa Cowboys Stadium (ngayon ay AT&T Stadium) sa Arlington, Texas.


Ang espesyal na laro ay bahagi ng selebrasyon ng Spurs sa kanilang ika-50 taon at saglit bumalik sila sa naging tahanan mula 1993 hanggang 2002. Itinayo noon ang Dallas Chaparrals ng American Basketball Association (ABA) noong 1967, lumipat ang prangkisa at naging San Antonio Spurs noong 1973 at sumali sa NBA noong 1976 matapos ang pagsanib-pwersa ng dalawang liga.


Sa ibang laro, tinapik papasok ni John Collins ang mintis ni Dejounte Murray na may 0.7 segundo sa orasan upang itulak ang Atlanta Hawks sa 113-111 lusot sa Indiana Pacers.


Gumawa ng 26 puntos at 11 assist si Trae Young para sa Hawks.


Umiwas sa disgrasya at nanaig ang New Orleans Pelicans sa kulelat na Detroit Pistons, 116-111, salamat sa double-double ni Jonas Valanciunas na 33 puntos at 16 rebound.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page