Bagong matrix ng multa sa batas-trapiko, inilabas na, 'wag nang pasaway!
@Editorial | Pebrero 5, 2023
Inilabas na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang matrix ng multa sa mga lalabag sa single ticketing system o iisang polisiya at multa, alinsunod sa Metro Manila Traffic Code.
Sa ilalim ng nasabing patakaran, inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang multa mula P500 hanggang P10,000 depende sa paglabag at kung gaano kadalas na lumabag ang isang violator.
Ang mga law offenders ay dapat bayaran ang kanilang multa sa loob ng 10 araw matapos na mahuli.
Ang nagawang paglabag ay matatanggal mula sa records sa oras na makapagbayad na ng multa ang pasaway na motorista.
Ipatutupad naman ang demerit system kung saan ang driver’s license ay kukumpiskahin at isususpinde kapag naabot ang ‘certain number points’ ng paglabag.
Kaya sa mga matitigas ang ulo at makakapal ang mukha, mag-ipon na ng pangmulta.
Kung marunong lang sanang sumunod sa batas-trapiko ang lahat ng nasa kalsada, mas magiging magaan ang pamumuhay. Walang trapik, iwas-aksidente at mas mabilis ang usad ng ekonomiya.
Gayunman, sadyang may mga mahirap makaunawa at talagang walang disiplina at respeto, kaya lahat ay damay.
Kaya dapat lang na magpatupad ng mga penalty para baka sakali ay maisipan ng mga pasaway na magbago na para hindi na mapagastos.
Samantala, tiwala naman tayo na magiging mas maayos na ang pagpapatupad ng sistema sa paniniket. Sa pamamagitan ng pare-parehong polisiya at multa, maiiwasan na ang kalituhan at syempre ang korupsyon.
Sana ay makiisa ang lahat dahil ito ay para sa kabutihan at kaayusan.



Comments