top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Bagong lagda at pag-aasawa, kailangan ng 31-anyos na feeling malas sa buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 13, 2021
  • 4 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 13, 2021



Dear Maestro,

Kailan lang ako nagsimulang sumubaybay sa inyong mga artikulo at natuklasan kong totoo ang sinasabi n’yong kapag Taong Dos (2) ay mahina ang personalidad. Dati kasi akong nag-aaral ng college pero dala ng kahirapan ay napilitan akong huminto. Naisipan kong magtrabaho na lang kaya nag-apply ako kung saan-saan. Nakapagtrabaho naman ako sa isang gawaan ng gamot pero contractual lang, kaya pagdating ng anim na buwan ay nawalan ulit ako ng trabaho at natengga sa bahay.

Sa ngayon, mag-32-anyos na ako at wala pa ring permanenteng trabaho at boyfriend. May nanliligaw naman sa akin, kaya lang, parang malabo ko siyang sagutin kasi wala rin siyang hanapbuhay tulad ko. Gusto kong magbago ang buhay ko dahil gusto kong lumakas ang loob ko, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo dahil bilib ako sa inyong mga payo.

Medyo nagtataka rin ako sa aking sarili dahil bata pa naman ako, pero parang marami na rin akong karamdamang iniinda, pero hindi ako nagpapatingin dahil naiisip kong baka maging pabigat pa ako sa mga magulang ko.

Sana, sa pamamagitan n’yo, magkaroon naman ng direksiyon ang buhay ko. Sana ay gabayan mo rin ako para magtagumpay at lumigaya, lalo na sa career at love life. May 2, 1989 ang birthday ko.


Umaasa,

Misty ng San Roque, San Pedro, Laguna

Dear Misty,

Ang the best mong magagawa ngayon ay ang mag-asawa. Oo, panahon na upang ikaw ay mag-asawa nang sa gayun ay magbago ang takbo ng iyong buhay at kapalaran.


Kapag kasi nag-aasawa ang isang tao, lalo na kung May 2 ang birthday niya, kusa niyang hihigupin ang kapalaran ng lalaking mapapangasawa niya. Samantala, walang magagawa ang lalaking ito dahil ganundin siya, hihigupin din niya ang tadhana mo at awtomatikong makikihati rin siya sa mga kapalpakan, problema at kalungkutan mong iniinda ngayon. Kaya ang dati mong kapalaran ay mag-iiba na, habang ang dating kapalaran ng napangasawa mo ay magbabago na rin.


Pero parang asukal at kape rin naman ang nasabing pag-aasawa. Paano? Ang dating kape na mapait ang lasa, habang ang dating asukal na nilalanggam lang sa garapon at inihulog sa mainit na tubig na nakalagay sa tasa at hinalo nang hinalo, magkakaroon ng reaksiyon, kaya ito ay magkakaroon ng bagong lasa – ang matabang na tubig, mapait na kape at matamis na asukal, sa sandaling hinigop na, sasarap at lilinamnam sa dila at sasabihin ng sinumang makahigop, “Ang sarap, isa pa nga!”


Ganundin ang kapalaran ng isang tao. Kailangang may makasama upang maiba naman ang blending o pagkakahalo ng kapalaran niya, na kapag tama ng timpla, ang inyong buhay o kapalaran ay sasarap at habambuhay na liligaya.


Kaya kapag nag-asawa ka na, ikaw at ang lalaking mapapangasawa mo ay kumbaga sa negosyo ay magsososyo kayo at magkakaroon ng “joint venture”. Kaya sabi ng pari kapag may ikinakasal, “Hindi na kayo dalawa, kundi iisa na kayo, bilang mag-asawa!”


Ganu’n ang hiwaga ng pag-aasawa. Nagagawa nitong baguhin ang pangit na kapalaran ng isang tao dahil hindi lang ang mga numero mong hawak o taglay mong zodiac sign ang iimpluwensiya sa iyong kapalaran kundi pati na rin ang numero at zodiac sign na bitbit ng mapapangasawa at makakasama mo habambuhay.


Kaya upang mawala ang mga problema mo, ang unang hakbang ay sabihin mo sa manliligaw mo na maghanap na siya ng trabaho nang sa gayun, kapag may trabaho at nagkataong mahal mo naman siya, mabait naman siya at ka-compatible mo, hindi masama na sagutin mo siya upang magka-boyfriend ka, tuluyan na ring makapag-asawa at upang mabago naman ang iyong kapalaran.


Kaya kung marami kang iniindang karamdaman sa edad mo, tiyak na puro psychological illness lang ‘yan, kumbaga, gawa-gawa lamang ng nalulungkot mong isipan, at mas dapat ngang mag-asawa ka na upang tuluyan kang gumaling at lumakas.


Ayon sa Numerology, hindi nakakabigla na mapapansing karamihan sa mga Taong Dos o silang mga may bitbit ng numerong 2, 11, 20 at 29, kung hindi namamatay nang maaga, dalaga o binata, nagkakasakit o nabubuhay nang malungkot at nag-iisa, walang achievement sa buhay, paasa-asa, nanghihiram ng lakas at kapalaran sa ibang tao, at minsan ay kakalat-kalat lang sa kanilang mga kamag-anak at barkda.


Ayaw naman nating mangyari ‘yan sa buhay, kaya ang unang hakbang kung may pagkakataon kang magka-boyfriend, kahit wala kang trabaho, mag-asawa kang bigla upang mabalasa at magbago ang takbo ng buhay at kapalaran mo.


Pangalawa, palagi kang magsuot ng itim, dilaw at iba pang strong color upang lumakas ang iyong loob na magpatuloy at lumaban sa bawat hamon ng buhay na dumarating sa iyong karanasan.


Pangatlo, maghanap ka ng mga kaibigan na may strong number o silang mga isinilang sa petsang 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 9, 18, 27, 6, 15, at 24 dahil sila ang tutulong sa iyo sa lahat ng aspeto ng buhay upang lumakas ang iyong loob.


Sa kanila ka magsasama, upang ang “strong personality” o “strong energy” nila ay masagap o mapunta sa iyo. Kapag niyaya ka nila, sumama ka agad at makikita mo na may malaking pagbabagong magaganap sa iyong kapalaran.


Pang-apat, ang higit na mahalaga sa lahat, ‘wag ka pa ring tumigil sa paghahanap ng trabaho at padrino na tutulong sa iyo dahil may isang pagkakataon ulit sa iyong buhay na tutulungan ka ng nasabing mga strong number, upang ikaw ay magkaroon ng stable job, magka-boyfriend at tuluyan na ring makapag-asawa at habambuhay na lumigaya.


Pang-lima, dapat mo na ring baguhin ang iyong lagda. Tanggalin mo ang pabilog na hugis upang matanggal na rin ang hina ng iyong loob at takot na magkamali at mapulaan ng iba. Kapag nawala na ang bilog sa iyong lagda, makakalaya ka na at magkakaroon ng sariling mundo, hindi ‘yung palagi mong iniisip kung ano ang sasabihin ng ibang tao. Tandaan mong hindi mahalaga ang mga ito, dahil ang mas importante ay nagagawa mo nang malaya at masaya ang mga bagay na gusto mong gawin.


Sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad, tiyak ang magaganap, ang magagandang kapalaran ay kusa na ring darating sa iyong karanasan tulad ng pagdating ng tag-sibol – mamumulaklak at lalago ang iyong buhay sa susunod na taong 2022, sa edad mong 32 pataas, magkakaroon ka na ng stable job, magkaka-boyfriend, makapag-aasawa at habambuhay nang magiging maligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page