top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bagong hepe, mapapalaban sa mga kontrobersiya at anomalya sa PNP

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 28, 2023
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 28, 2023



Ang bagong talagang Philippine National Police (PNP) na si Maj. Gen. Benjamin Acorda Jr. ay itinuturing na pinakamahusay na opisyal sa kasalukuyan na magpapakalma at magtataguyod umano sa kabuuan ng kapulisan kaya ito itinalagang ika-29 chief ng PNP.


Ganito kalaki ang tiwala ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) sa bagong PNP chief na personal niyang kakilala, kaya ang buong sambayanan ay buong-buo ang pag-asa na maisasaayos nito ang nakalugmok na imahe ng PNP.


Si Acorda ang pumalit kay Gen. Rodolfo Azurin Jr. na nagretiro kamakailan, dahil sa edad na 56 na bago sumapit sa kanyang mandatory retirement ay nakaladkad pa ang mga huling sandali nito sa panunungkulan sa kontrabersya.


Hindi ganu’n kasikat si Acorda, ngunit itinataya ni P-BBM ang kanyang pagkapangulo ng bansa upang patunayan ang napakaayos umanong reputasyon ni Acorda na kilala bilang mahusay na opisyal matapos maitalaga bilang provincial at regional director ng PNP.


Kung paniniwalaan natin ang lahat ng positibong pahayag ni P-BBM para kay Acorda, tila may bitbit talaga itong pag-asa na sa panahong ito ay kailangang-kailangan ng ating bansa, lalo na sa kabuuan ng pulisya na paulit-ulit pa ring nasasangkot sa malalaking kontrabersya.


Kung inyong matatandaan, itong si Acorda ay tinanggap ang kanyang tungkulin bilang bagong PNP chief sa kasagsagan na ang buong PNP ay nahaharap sa napakalaking iskandalo na umano’y cover-up ng P6.7-B drug operation noong nakaraang taon sa Manila.


Ang pinalitan ni Acorda na si Azurin ay nanindigan na walang cover-up matapos masakote ang sinibak ng pulis na si PMSgt. Rodolfo Mayo, Jr. na umano’y nahulihan ng 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.


Gayunman, tiniyak ng bagong pamunuan ng PNP na bagama’t retirado na si Azurin, hindi pa rin ito tuluyang nakakawala sa kontrabersya dahil patuloy pa rin umanong magsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa nabanggit na kaso.


Naaalala n’yo ba ang naganap na shootout sa pagitan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP operatives sa labas ng Ever Gotesco Mall sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City?


Dalawang opisyal ng PNP, isang PDEA agent at isang PDEA informant ang namatay sa tinawag nilang misencouter, na ang pinag-ugatan din ay malaking halaga ng ipinagbabawal na gamot na hindi talaga maubos-ubos sa lansangan.


Ngayon ay may bagong pag-asang itinalaga ang pamahalaan sa katauhan ni Acorda na pinatotohanan din ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na pinakakuwalipikado umano para maging chief ng PNP.


Miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) ‘Sambisig’ Class of 1991, naging bahagi rin ng Directorate for Intelligence ng PNP noong Agosto 2022, naging Palawan Police Provincial Office chief din ito mula 2014 hanggang 2016 bago naging regional director ng Police Regional Office 10 sa Northern Mindanao itong si Acorda.


Ayaw kong maging kontrabida sa ganda ng credential at mga papuri na ipinupukol kay Acorda dahil palagi tayong ganito sa umpisa, ang hamon ko lang naman sa bagong PNP chief ay simulan natin nang tama ang lahat para matapos din tayo nang tama.


Ang nais kasi ng taumbayan ay seryosong paglilinis sa kabuuan ng PNP at naniniwala naman ako sa kakayahan ng bagong pamunuan na bibigyang-prayoridad na maibalik ang respeto sa ating PNP dahil pabalik-balik lang tayo sa umpisa, pero hindi talaga maisaayos nang pulido ang PNP.


Kailangang unahin ni Acorda na isaayos ang institusyon, at kasama niya kami rito. Kailangang alisin na ang mga bulok sa organisasyon, kasuhan ang mga sangkot sa anomalya at papanagutin upang hindi na makapanira pa.


Sana ay hindi rin maulit na may mga pulis na suma-sideline bilang goons ng mga pulitiko, lumabas kasi mismo sa pagdinig sa Senado na isinagawa ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs sa pangunguna ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa hinggil sa paglikida kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.


Pinatotohanan mismo ng mga testigo na dumalo sa pagdinig na may ilang miyembro ng PNP ang mistulang sundalo ng mga pulitiko, kapalit ng malaking halaga, na isang malaking sampal sa kabuuan ng PNP.


Kailangan nating ibalik ang tiwala ng publiko sa ating pulisya, wala namang matatakbuhan ang ating mga kababayan para sa peace and order, kaya dapat iayos at ibangon natin ang institusyon, mangyayari lamang ito kung magkakaroon ng transparency at accountability.


Ang PNP kasi ang bintana ng katahimikan ng bansa at hindi tamang paulit-ulit pa ring nasasangkot sa anomalya ang mga kaanib nito at hindi natin alam kung paano ang istilo nitong bagong PNP chief—ang mahalaga ay mabago niya ang imahe ng PNP.


Panalangin lang naman ng sambayan na sana ay may isang PNP chief na totoong aayusin ang buong PNP bago ito magretiro at hindi bibigyang-prayoridad ang ‘babaunin’ niya bago tuluyang umalis sa serbisyo.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page