Bagong COVID-19 surge, maiiwasan kung disiplinado lahat
ni Ryan Sison - @Boses | March 8, 2022
Panibagong COVID-19 surge.
Ito ang ibinabala ng OCTA Research Group kung hindi susunod ang lahat sa mga ipinatutupad na minimum public health protocols habang nasa Alert Level 1 ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, bagama’t mas mababa na sa 1,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa nakalipas na araw, maaari pa rin itong magbago sa mga susunod na buwan.
Sa kanilang pagsusuri, karaniwan umanong nagkakaroon ng surge makaraan ang kada tatlong buwan, kaya maaaring maganap ito ngayong Abril o Mayo at mangyayari aniya ito kung mabibigo ang publiko na sumunod sa minimum health standards, partikular ang palaging pagsusuot ng facemask.
Gayundin, maaaring magtulak dito ang malalaking pagtitipon ng tao tulad ng nagaganap na campaign rallies at pagbaba ng immunity ng isang tao na ibinibigay ng bakuna.
Higit sa lahat, ang panibagong COVID-19 surge ang kinatatakutan ng marami sa atin dahil posible itong magdala ng iba’t ibang problema.
Kabilang na r’yan ang paghihigpit ng mga restriksiyon, bagay na may malaking epekto sa hanapbuhay ng marami nating kababayan, gayundin sa ekonomiya.
Sana’y sapat ang paalala at babala ng mga eksperto dahil sa pagkakataong ito, ‘di na tayo dapat bumalik sa dati.
Malayu-layo na ang narating natin kumpara sa mga nakaraang taon, kaya tulad ng paulit-ulit nating pakiusap sa taumbayan, ‘wag kalimutan ang disiplina. Hindi porke mas maluwag na, eh, magpababaya na tayo.
Tandaan, obligasyon pa rin nating maging responsable at maingat, alang-alang sa kaligtasan nating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments