Bagong COVID-19 outbreak, dahilan para lalong mag-ingat
ni Ryan Sison - @Boses | March 21, 2022
Dahil sa panibagong pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang bahagi ng mundo at pagbagsak ng testing rates sa ibang bansa, agad na nagpahayag ng pagkabahala ang World Health Organization (WHO).
Ang panibagong outbreak din ang dahilan kaya nagpatupad ng lockdown ang ilang bansa sa Asya, partikular sa Hong Kong at sa probinsiya ng Jilin sa China.
Gayunman, tinitingnan ang ilang dahilan ng bagong outbreak tulad ng mas nakakahawang Omicron variant at sub-variant na BA.2 at pagluluwag sa mga restriksiyon para buksan ang ekonomiya.
Ngunit nakakabahala rin umano ang mababang vaccination rate sa ilang bansa, na dulot ng pagkalat ng mga maling impormasyon at pag-uumpisang magrelaks ng gobyerno at publiko.
Base sa datos ng WHO, umakyat nang 8% ang mga bagong impeksiyon sa buong mundo, na katumbas ng 11 milyong bagong kaso at higit 43,000 bagong nasawi mula Marso 7 hanggang 13. Ito umano ang kauna-unahang pagtaas ng bilang mula noong katapusan ng Enero.
Ngayong nagpahayag ng pagkabahala ang WHO, lalo tayong dapat na mag-ingat. Gayundin, dapat nating mas seryosohin ang mga paalala at babala.
Hindi porke unti-unti na tayong nakakasabay sa pandemya ay magrerelaks na lang tayo, lalo na ngayong nasa pinakamaluwag ng alert level ang ilang lugar sa bansa, at ngayong panahon ng kampanya kung saan pinapayagan na ang full capacity sa mga campaign venues.
Gaya ng palagi nating sinasabi, nar’yan lang ang virus at naghihintay lang na makapambiktima.
At bilang mamamayan, obligasyon nating maging alerto at mag-ingat, anumang restriksiyon ang umiiral, at kung may pagtaas man ng COVID-19 cases o wala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments