Backpay ng mga OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi, ibigay na
@Editorial | Pebrero 22, 2023
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggap ng 9,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia, ang kanilang backpay.
Taong 2015 nang ma-bankrupt ang kumpanya na kanilang pinagtatrabahuan, subalit malabo pa rin umano ang inaasahan nilang backpay.
Problema umano ng mga Pilipino ang pagpaparehistro online, na minandato ng kumpanya para makakuha ng backpay.
Marami umanong hinihinging requirements, lalo sa mga claimants na namatay na.
Ang tanong dito, bakit kailangan pa ang proseso ng pagpaparehistro gayung may masterlist naman ang kumpanya?
Kaya tama lang ang apela sa Department of Migrant Workers (DMW) na magbigay na lang ng listahan ng mga claimant para maisumite sa Saudi employer dahil hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi nakakapagparehistro.
Kung magiging pahirapan pa rin ang proseso, baka dapat nang magkaroon ng “high-level diplomatic mission” ang ating gobyerno para direktang makipag-ugnayan sa Saudi nang mabayaran na ang mga claimant.
Hindi biro ang pagtatrabaho sa abroad, maraming sakripisyo na sa kabila ng mga ito ay nakapagbibigay pa rin sila ng maayos na serbisyo.



Comments