top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Back-up plan ‘pag pumalpak ang granular lockdown, paghandaan din

  • BULGAR
  • Sep 7, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 07, 2021


Sa pagtatapos ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila ngayong araw, balik na sa general community quarantine ang lungsod.


Kaugnay nito, inanunsiyo ni Interior Secretary Eduardo Año na sisimulan nang ipatupad ang granular lockdown sa Metro Manila, kung saan layon nito na mapigilan pa ang pagkalat ng COVID-19.


Bagama’t hindi tinukoy ng kalihim ang mga lugar kung saan susubukan ang bagong diskarte, magsasagawa aniya sila ng assessment at dito ibabase ang gagawin nilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Matatandaang unang ipinunto ng OCTA Research Group na maaaring makatulong sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 ang granular lockdown, bagama’t nangangailangan ito ng karagdagang tauhan para epektibong maipatupad.


Gayundin, naniniwala rin si Trade Sec. Ramon Lopez na mas makatutulong sa ekonomiya ang granular lockdown kumpara sa mahihigpit na quarantine restrictions.


Samantala, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar na handa ang PNP sa pagpapatupad ng granular lockdown sa Metro Manila


Base sa datos ng PNP, may 51 barangay sa Metro Manila ang kasalukuyang nakasailalim sa granular lockdown.


Nananatiling hati ang opinyon ng taumbayan dahil anila, lockdown na naman at iniba lang ang tawag. Ang iba naman, mas pabor dahil puwede pa rin silang lumabas upang makapaghanapbuhay.


Ngunit kung nakikita ng mga eksperto na mas makatutulong ang hakbang na ito upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, subukan natin.


Gayunman, anuman ang maging resulta nito, sana lang ay handa tayo sa susunod nating gagawin. Baka kasi ang ending, masyado tayong kampante at wala tayong back-up plan, kaya kapag pumalpak, magkakagulo na.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, manatili tayong handa sa anumang mangyayari.


At pakiusap lang sa taumbayan, ‘wag nang pasaway. Sa pagkakataong ito, sana lang ay natuto na tayo at sa paulit-ulit na paalalang ‘wag isnabin ang mga umiiral na protocols, sana lahat ay sumunod na.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page