top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Babalik trono ang Warriors, Wiggins, ginanahan sa Game 5

BULGAR
Jun 15, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 15, 2022



Isang panalo na lang ang kailangan ng Golden State Warriors upang makabalik sa trono matapos ang 104-94 tagumpay sa bisitang Boston Celtics sa Game 5 ng 2022 NBA Finals kahapon sa Chase Center. Nakakagulat na hindi naka-shoot ng kahit isang 3-points si Stephen Curry subalit nagtulungan ang mga ibang kakampi para maging unang koponan na magwagi ng dalawang magkasunod at umabante ng 3-2 sa seryeng best-of-seven.

Sa gitna ng maalat na shooting ni Curry, nagawang lumamang pa rin ang Golden State sa first half, 51-39, sa likod ng 16 puntos ni Andrew Wiggins. Nagising ang Boston sa 3rd quarter at inagaw ang lamang bago tuldukan ni Jordan Poole ng Golden State ang aksyon sa isa pang milagrong tres kasabay tunog ng busina at ibalik ang abante, 75-74.

Todo ganado na ang Warriors at patuloy bumuhos ng puntos sina Wiggins, Poole at Klay Thompson sa 4th quarter at ibalik sa 16 puntos ang lamang matapos ang tres ni Thompson, 102-86, at 1:45 ang nalalabi sa orasan. Unang nakalamang ng 16 ang Golden State sa first quarter, 24-8, sa tulungan nina Curry at Gary Payton II.

Nagtapos si Wiggins na may 26 puntos at 13 rebound. Sumunod si Thompson na may 21 puntos buhat sa limang tres habang 16 puntos si Curry. Nabitin ang double-double ni Jayson Tatum na 27 puntos at 10 rebound. Nag-ambag ng 20 puntos si Marcus Smart at 18 puntos si Jaylen Brown.

Ngayong Biyernes na ang Game 6 at gagawin ng Warriors ang lahat para mauwi na ang ika-7 NBA World Championship ng prangkisa at ika-apat buhat noong 2015. Palaban pa rin ang Boston na makukuha nila ang kanilang ika-18 kampeonato na magiging pinakamarami sa 75 taon ng liga.

Kakampi ng Warriors ang mga numero. Sa nakumpletong 30 serye sa NBA Finals na tumabla sa 2-2, ang 22 sa 30 o 73.3% na nagwawagi sa Game 5 ang tuluyang nagiging kampeon umabot man ang serye sa anim o sagad sa pitong laro. Laro ngayong Biyernes – TD Garden 9:00 AM Golden State sa Boston.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page