Babala sa mga kumakapit sa sangla-ATM
@Editorial | May 22, 2023
Hindi pa rin nawawala ang sangla-ATM partikular sa mga benepisyaryo ng ayuda mula sa gobyerno.
Kaugnay nito, muling nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng cash transfer subsidy program ng gobyerno hinggil sa paggamit ng kanilang cash cards bilang loan collateral.
Ang pagkapit sa sangla-ATM ay labag umano sa tuntunin ng kagawaran at may katapat na parusa.
Kung saan, ang sinumang cash card holder o benepisyaryo ng ayuda na magsasangla ng kanilang ATM ay posibleng mawalan ng karapatan sa anumang magiging programa ng pamahalaan sa mga susunod na panahon.
Kasabay nito, hinikayat naman ang publiko na agad na ipagbigay-alam sa DSWD ang mga benepisyaryo na sangkot sa ganitong uri ng gawain upang agad nila itong maimbestigahan at maaksyunan.
Batay sa 2022 survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas, lumalabas na aabot sa 2.6% ng mga indibidwal na mayroong utang ang nagsasangla ng kanilang cash cards. Kung saan, may mga pagkakataon talagang nababaon na sa utang ang nagsasangla at literal na hindi na nahahawakan ang kanilang cash card o ATM.
Maunawaan sana ng mga benepisyaryo na ang layunin ng ayuda ay makatulong kahit paano sa gastusin at hindi makadagdag sa alalahanin.
Iwasan ang sangla-ATM at pahalagahan ang bawat sentimong natatanggap na ayuda dahil ito ay mula rin sa pagsisikap ng bawat Pinoy sa pamamagitan ng buwis na nakokolekta ng gobyerno.



Comments