Babala sa mga gustong mag-abroad!
ni Ryan Sison - @Boses | January 15, 2022
Kahit nahaharap sa COVID-19 pandemic, marami pa rin tayong mga kababayan na naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil sa mga kumakalat na text messages na nag-aalok ng mga pekeng employment opportunities abroad.
Sa isang advisory ng POEA, maaaring hindi lang pag-aalok ng trabaho sa abroad ang ginagawa ng mga scammer dahil ang ilan ay phishing o smishing, o ang pagnanakaw ng personal na impormasyon o identity theft ang ginagawa.
Kaya paalala ng POEA, kung kahina-hinala ang e-mail o text job offer, i-block agad ang sender at i-report sa POEA, telecommunications provider, National Privacy Commission (NPC) o National Telecommunications Commissions (NTC).
Kasabay nito ang babala sa mga aplikante na ingatan ang contact information at huwag basta magbigay ng kopya ng government-issued IDs at documents. Gayundin, huwag magbigay ng pera o bayad sa hindi sinuman na hindi inaalam ang impormasyon tungkol sa kanilang licensed recruitment agencies, tulad ng pangalan ng agency at kanilang authorized representative.
Bagama’t hindi na bago ang ganitong panloloko, nakadidismaya dahil nakikipagsabayan pa ang mga scammer sa hirap ng buhay ngayong may pandemya kaya marami pa rin silang naloloko.
Paalala lang natin sa mga nagbabalak magtrabaho abroad, maging mapanuri at matalino sa lahat ng pagkakataon. Hindi nagkulang ang mga kinauukulan sa pagbibigay ng paalala at babala sa atin.
Nandu’n na tayo sa punto na desperado tayong makapaghanapbuhay, pero hindi ibig sabihin nito na basta-basta na lang tayong kikilos. Mabuti pa ring may alam tayo upang maiwasan ang mga perhuwisyong dala ng kawatan.
Pakiusap lang din sa mga kinauukulan, sana’y matuldukan na ang ganitong panloloko dahil grabeng pahirap ang dala nila sa ating mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments