Babaeng nanakit ng traffic enforcer, kinasuhan na
- BULGAR
- May 27, 2021
- 1 min read
ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 27, 2021

Na-"huli-cam" ang pananakit ng isang babae sa traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at pormal na itong sinampahan ng kasong direct assault at driving without license, ayon sa Manila Public Information Office (MPIO).
Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT), sinita ang suspek na kinilalang si Pauline Mae Altamirano dahil sa paglabag nito sa traffic light sa Osmeña Highway, Malate, Manila dahil kahit pula pa umano ang ilaw ay nagpatuloy ito sa pag-andar.
Hinabol ng mga traffic enforcers ang suspek at naabutan siya sa Osmeña Highway, kanto ng Estrada Street at hiningan ng driver’s license, ngunit ang kopya lamang ng official receipt and certificate of registration (OR/CR) ang ibinigay nito.
Sa video na in-upload ng MPIO, makikita na sinisigawan ng suspek ang traffic enforcer habang sinasabi nitong ibalik sa kanya ang OR/CR ng sasakyan.
Nang hindi ibinalik ng traffic enforcer, bumaba ang suspek at doon na nauwi sa pananakit ang pakikipagtalo nito.
Ayon sa MPD-SMaRT, mahaharap si Altamirano sa kasong paglabag sa Section 19 ng Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code for driving without a license, at Articles 148 (direct assault) at 151 (resistance and disobedience to a person in authority) of the Revised Penal Code.








Comments