top of page
Search
  • BULGAR

Babae kaya ang muling magliligtas sa ‘Pinas?

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 29, 2024



Fr. Robert Reyes


Nagkaroon ng bukod-tanging “book launch” noong nakaraang Biyernes, Abril 26, 2024.

Pinarangalan ang anim na matatapang na babaeng Pilipino sa pamamagitan ng paglulunsad ng librong, “Six Filipino Women for Justice.” Ang anim na di-pangkaraniwang babae ay sina dating Sen. Leila de Lima, Sen. Risa Hontiveros, dating Vice President Leni Robredo, dating Supreme Court associate justice Conchita Carpio Morales, journalist at Nobel Peace Prize Laureate Maria Ressa at ang activist nun na si Sr. Mary John Mananzan, OSB.


Tatlo sa anim na kakaibang Pilipina ay kaibigan ko. Ito ay sina dating Sen. Leila, Sen. Risa at Sr. Mary John. Maraming pagkakataong nagkasama kami sa iba’t ibang okasyon nina Sen. Risa at Sr. Mary John, subalit ang pinakanakilala at nakagaanang loob ko ay si Leila. Dahil ito sa patuloy nating pagmimisa tuwing Linggo sa unang tatlong taon ng kanyang pagkakakulong sa Kampo Crame.


Hindi lang ang anim na natatanging babaeng pinarangalan ang tampok sa hapong iyon, kakaiba rin ang mga writer na napiling sumulat tungkol sa anim na babae. Ang nagsulat tungkol kay Leila de Lima ay si Rosario A. Garcellano. Si Ed Garcia naman ang sumulat ng kay Leni Robredo. Si Dulce Festin-Baybay ang kay Maria Ressa. Ang ka-eskwela ni Risa Hontiveros na si Rafael A.S.G. Ongpin ang sumulat tungkol sa senadora. Si Maria Olivia H. Tripon naman ang sumulat tungkol kay Conchita Carpio Morales, at para kay Sr. Mary John Mananzan, ang sumulat ay si Neni Sta. Romana Cruz.


Sa anim na manunulat personal kong nakilala sina Ed Garcia at Dulce Festin-Baybay. Taong 1970, seminarista ako ng Seminaryo Minor ng San Jose Seminary nang nakasama ko sa Nobisyado ng mga Hesuwita si Ed Garcia. Ilang beses ko ring nakasama sa iba’t ibang adbokasiya si Dulce Festin-Baybay.


Napakarami pang ibang babae ang kilala sa matapang na pagtukoy at pagtuligsa sa mga katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan sa ating lipunan. Ngunit, kahanga-hangang isipin kung paano naging tampok ang kontribusyon ng mga kababaihan sa mga nagdaang dekada. At marami rito ay hindi tumigil at nawalan ng gana sa pag-aambag ng mahusay at malikhaing diwa ng pagbabago at pagkakawanggawa para sa maliliit at napagsasamantalahang mamamayan.


Marami na rin ang kababaihang nakilahok sa lokal at pambansang pulitika sa ating bansa. Hindi na kailangang banggitin ang ilang pangalang kilala, na tuluy-tuloy ang bangayan sa isa’t isa na nakakaiskadalo at nakakadismaya sa marami. 

Kitang-kita ang pagkakaiba ng kababaihan sa mga ipinakilalang babae ng mga magagaling na manunulat. Walang masasabing personal at pansariling agenda ang anim, kumpara sa iba na halatang-halata ang mga pansariling agenda. 


Prinsipyo, sakripisyo, katapangan, tiyaga, karangalan, pananampalataya, pagmamahal sa Inang Bayan, pagmamahal sa kapwa, lalo’t higit sa maliliit at naaaping Pilipino, ang ilan sa mga katangiang kagigiliwan at hahangaan ng lahat mula sa anim na babaeng naitambok sa naturang aklat. 


Maliban kay Sr. Mary John OSB, maaaring lumaban sa entablado ng pulitika ang lima. Ngunit, malinaw kay Sr. Mary John ang pagiging isa o buo ang pagmamahal sa Diyos at kapwa, sa simbahan at sa bansa, sa tao at kalikasan, at sa kabuuan ng lahat ng buhay at nilikha ng Panginoon.


Noong nakaraang pambansang halalan, dalawa ang naglaban, isang babae at isang lalaki, si Leni Robredo at si Bongbong Marcos. Malaki raw ang naging lamang ng lalaki sa babae. 


Gayunman, marami at malawak pa rin ang suporta para kay Leni at hindi pa ito nawawala hanggang ngayon. Nagbabangayan pa rin ang mga puwersa ng magkabilang-panig. Saan na magtatapos ang bangayang ito? 


Sa bawat tahanan, babae kadalasan ang takbuhan ng mga nasusugatan at lumuluha. Babaeng magulang, ang ina ang kadalasang nagsasabing, “Tahan na anak. Maaayos din ang lahat. Tulog na, pahinga na. May magandang bukas na naghihintay sa gitna ng madilim at malungkot na gabi.”


Humaharap at dumaraan sa malungkot at madilim na gabi ang ating bansa. Kinilala noong nakaraang Biyernes, ang anim na kababaihan. Ang bawat isa sa kanila ay humihilom at nagpapalakas sa sugatan at nanghihinang sambayanan. 


Ngunit hindi lang ang anim, may daan o libo pa at marami sila. Naririyan lang silang handang makinig, kumalinga, magpahilom ng sugat at magpanumbalik ng malay at lakas sa maraming sugatan at lupaypay. Babae kaya uli ang sasagip sa nagdurusa nating bansa?


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page