B-day wish, tungkol sa flood control projects… MARIS: ‘DI PWEDE ANG WALANG HUSTISYA
- BULGAR
- 8 hours ago
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | September 24, 2025

Photo: Maris Racal - IG
Sa pagdiriwang ng kanyang ika-28 kaarawan noong Lunes, Sept. 22, ibinahagi ni Maris Racal ang kanyang birthday wish.
Sa kanyang Instagram (IG) account ay nag-upload ang aktres ng kanyang birthday photos at sa caption ay sinabi niya na isa lang daw ang wish niya sa kanyang kaarawan.
“It’s my birthday today. Ang wish ko lang ay DPWH,” aniya.
Ang totoong kahulugan ng DPWH ay “Department of Public Works and Highways”.
Kasunod nito ay sinabi niya kung ano ang ibig sabihin ng DPWH para sa kanya at ito ay “‘Di Pwede ang Walang Hustisya.”
Of course, ang tinutukoy na hustisya ni Maris ay patungkol sa anomalya sa flood control projects. Isa ang aktres sa libu-libong mamamayan na nakilahok sa naganap na “Baha sa Luneta” rally noong Linggo bilang pakikiisa sa pakikipaglaban sa corruption.
Sana ay matupad ang wish mo, Maris Racal.
ay matupad ang wish mo, Maris Racal.
Lumaki pala sa baha si Maymay Entrata. Kaya naman, alam na alam niya ang dusa at hirap na akala raw niya noong bata siya ay normal lang.
Sa kanyang Instagram (IG) page ay naglabas na rin ng kanyang hinaing ang Kapamilya actress, singer at TV host tungkol sa corruption sa flood control projects.
“Gusto ko lang sabihin nang diretso: deserve po natin ang mas maayos na bansa. ‘Yung buwis na binabayaran natin, dapat napupunta sa mga bagay na makakatulong sa tao. Tulad ng maayos na kalsada, edukasyon, health care, at hindi lang sa bulsa ng mga maling tao napupunta,” bungad ni Maymay.
Inalala niya ang paglalakad niya sa baha noong bata siya patungong paaralan. Nagtatawanan pa raw sila noon dahil nga nasanay na sila.
“Naalala ko nu’ng kabataan ko po, sanay akong maglakad papuntang school. May araw na naglalakad kami sa baha ng kaibigan ko, tumatawa lang kami kasi sanay na. Akala namin, normal lang ‘yun,” aniya.
“Pero ngayong mas may alam na ako, na-realize ko na hindi dapat ganu’n. Hindi dapat normal ang baha, ang sirang kalsada, at ang hindi maayos na sistema. Lahat po ‘yan ay resulta ng kapabayaan at paulit-ulit na pagkukulang ng mga nasa puwesto,” patuloy niya.
Tulad din ng iba, hangad ni Maymay ang maayos na gobyerno at tapat na paglilingkod ng mga pulitiko at public servants.
“Totoo, matibay po tayo at kaya nating tumawa sa gitna ng hirap, pero hindi ibig sabihin na okay lang kasi hindi dapat tayo masanay sa mali. Deserve po natin ang gobyerno na tunay na naglilingkod, ‘yung tapat at inuuna ang kapakanan ng bayan.
“Pero alam ko rin na hindi lahat sa gobyerno ay masama. May mga tao pa rin na may malasakit at naninindigan sa tama,” pahayag ng Big Winner ng Pinoy Big Brother (PBB) Lucky 7.
Panawagan ni Maymay sa ating mga kababayan, “Kaya sabay po nating ipagdarasal ang bansa natin na sana dumami pa ang mga lider na may puso para sa bayan. Na unti-unting magbabago ang sistema. Na balang-araw, hindi na lang tayo matututo mabuhay para lang makaraos, kundi mamuhay nang may dignidad at tunay na pag-asa.
“Pilipinas, may pag-asa pa po. ‘Wag tayong titigil maniwala at magdasal.”
Sana, ngayong may bagyo sa ating bansa at ngayong nakaranas uli ng baha ay maalala ng buong Pilipinas na bumoto nang tama sa susunod na eleksiyon.
Comments