B-day boy Tatum at Young bumira ng 37 at 39 puntos
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 5, 2022

Nagdiwang ng kanyang ika-24 kaarawan si All-Star Jayson Tatum at gumawa ng 37 puntos upang regaluhan ang Boston Celtics ng 120-107 panalo sa Memphis Grizzlies sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa TD Garden. Umakyat din ang Celtics sa ika-limang puwesto sa Eastern Conference sa kartadang 38-27 panalo-talo.
Nag-reserba ng lakas si Tatum para sa 4th quarter kung saan nagtala siya ng 21 puntos at naabot ng Boston ang pinakamalaking lamang papasok sa huling anim na minuto, 101-84.
Nag-ambag ng malaki sina Al Horford na may 21 puntos at 15 rebound at Marcus Smart na may 18 puntos at 12 assist upang mapawalang-bisa ang 38 puntos ni Ja Morant para sa Memphis.
Binahiran ng Miami Heat ang pagbabalik ni Kevin Durant at tinalo nila ang Brooklyn Nets, 113-107, at tumibay ang hawak sa liderato ng East sa 42-22. Ipinasok ni reserba Tyler Herro ang 11 ng kanyang 27 puntos sa fourth quarter habang 30 puntos si Bam Adebayo upang makontra ang 31 puntos ni Durant na lumiban ng 21 laro dahil sa pilay sa tuhod buhat pa noong Enero 15.
Hinila pababa ng Atlanta Hawks ang Chicago Bulls, 130-124, sa likod ng 16 ng 39 puntos sa fourth quarter ni Trae Young. Tatlong sunod na ang talo ng Bulls at bumagsak sila sa ikatlong puwesto sa East na 39-24 habang umakyat sa pangalawa ang Philadelphia 76ers na 38-23.
Uminit agad si Luka Doncic para sa 19 puntos sa first quarter pa lang at nagwagi ang Dallas Mavericks sa Golden State Warriors, 122-113. Nagtapos na may 41 puntos si Doncic at kahit hindi na pumuntos sa huling tatlong quarter ay siya pa rin ang may pinakamarami at 18 puntos lang si Dorian Finney-Smith.





Comments