B-day boy Curry, nag-alay ng 47 puntos sa Warriors
- BULGAR
- Mar 16, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 16, 2022

Kasabay ng kanyang ika-34 kaarawan, nag-alay ng regalo si Stephen Curry na 126-112 panalo ng Golden State Warriors sa bisitang Washington Wizards sa NBA kahapon sa Chase Center. Bumanat ng 47 puntos si Curry upang ibigay sa Warriors ang kanilang ika-apat na sunod na panalo at pumantay muli sa Memphis Grizzlies para ikalawang pwesto sa Western Conference na may 47-22 panalo-talo.
Eksaktong 34 puntos na si Curry sa pagwakas ng third quarter at komportableng lamang ang Warriors, 101-84, kaya inupo na siya. Biglang bumawi ang Wizards at lumapit, 99-110, at napilitang ibinalik si Curry na agad bumuhos ng 13 puntos upang lumayo, 123-107, at umupo siya muli sa last two minutes.
Nakatanggap ng suporta si Curry buhat kay Jordan Poole at Klay Thompson na parehong may tig-20 puntos. Malaking tulong din ang pagbalik ni All-Star Draymond Green matapos lumiban ng 29 laro dahil masakit ang likod at nag-ambag ng anim na puntos, pitong rebound at anim na assist sa 20 minuto lang bilang pag-iingat.
Pumukol ng pitong tres si Three-Point champion Karl Anthony Towns at nagtapos na may 60 puntos at 17 rebound sa 149-139 tagumpay ng Minnesota Timberwolves sa San Antonio Spurs. Ito ang pinakamaraming puntos ng isang manlalaro ngayong taon, pinakamarami sa pitong taon ni Towns sa NBA at pinakamarami sa kasaysayan ng Timberwolves buhat noong itinatag noong 1989.
Patuloy ang mahigpit na karera sa taas ng Eastern Conference at pumulot ng mahalagang panalo ang naghahabol na World Champion Milwaukee Bucks sa Utah Jazz, 117-111. Hindi nakalapit sa numero unong Miami Heat ang Chicago Bulls matapos manaig sa kanila ang Sacramento Kings, 112-103, habang inantala ng Denver Nuggets ang pag-akyat ng Philadelphia 76ers, 114-110.




Comments