Azkals Maranon at de Murga, new players ng Liga Malaysia
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 24, 2022

Pumirma na ng kanilang mga kontrata ang mga Philippine Azkals Bienvenido Maranon at Carli de Murga bilang pinakabagong manlalaro ng Johor Darul Ta’zim, ang kampeon ng Liga Super Malaysia (LSM). Malaki ang magiging papel ng dalawa sa depensa ng Southern Tigers sa kanilang kampeonato at sa kampanya sa 2022 AFC Champions League sa Abril.
Si Maranon ay lumipat galing United City Football Club, ang kampeon ng 2020 Philippines Football League (PFL). Bago noon ay naglaro siya ng limang taon sa Ceres Negros at noong 2021 ay naging ganap na mamayanang Filipino kaya nakapaglaro sa Azkals sa AFF Suzuki Cup.
Si de Murga raw ang dahilan kaya naengganyo kay Maranon na pumunta sa Pilipinas noong 2015. Naglaro si de Murga para sa Terengganu sa LSM noong 2021 kung saan nagtapos sila sa 4th place.
Nabunot ang Southern Tigers sa Grupo I ng Champions League kasama ang Kawasaki Frontale ng Japan, Guangzhou ng Tsina at ang magwawagi sa playoff ng Ulsan Hyundai at Timog Korea at Port ng Thailand. Maaaring magtapat ang JDT sa mga pambato ng Pilipinas na United City at Kaya Iloilo sa knockout playoffs na.
Ang nabakanteng upuan ni de Murga sa Terengganu ay kukunin ni Manny Ott na lumipat galing Melaka United. Matapos umalis ni Ott, biglang pumirma bilang bagong coach ng Melaka si Risto Vidakovic na dating coach ng Ceres Negros.
Samantala, inihayag ng Kaya Iloilo ang paglipat sa kanilang koponan ni defender Mar Vincent Diano galing Azkals Development Team. Ito ang una sa parating na hakbang na gagawin ng koponan upang magpalakas para sa parating na AFC Champions League, AFC Cup, PFL at depensa ng kanilang kampeonato sa Copa Paulino Alcantara.





Comments