Azkals, kakampanya sa ASEAN Football-Cambodia
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 20, 2022

Sisipa ang kampanya ng Philippine Men’s Football National Team sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Mitsubishi Electric Cup ngayong araw sa pagbisita nila sa Cambodia sa Morodok Techo National Stadium ng Phnom Penh simula 6 p.m. Sisikapin ng Azkals na makamit ang malaking panalo patungo sa layunin nilang makabalik sa semifinals sa pinakamalaking torneo sa Timog Silangang Asya.
Nariyan pa rin ang mga subok na beterano na sina kapitan Stephan Schrock para pangunahan ang opensa at Amani Aguinaldo sa depensa. Napipisil si Kevin Ray Mendoza bilang numero unong goalkeeper.
Ito na rin ang unang opisyal na torneo para sa bagong talagang head coach Josep “Coco” Ferre. Inaasahan na ang 39-anyos na Kastila ay tutugma sa estratehiya ng pambansang koponan na kumuha ng mas maraming kabataang manlalaro bilang paghahanda sa hinaharap.
Mas marami rin sa Azkals ang naglalaro ngayon sa Philippine Football League (PFL), kabaligtaran noon kung saan karamihan ay buhat sa ibayong-dagat. Kamakailan lang ipinakilala si Coach Ferre subalit matagal na niyang ginagabayan ang ensayo ng Azkals bago siya dumating sa Pilipinas.
Samantala, kampeon ang Far Eastern University sa Philippine Football Federation (PFF) Women’s Cup matapos ang 2-0 panalo sa University of the Philippines noong Sabado ng gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Kumuha ng mga goal ang Lady Tamaraws kay Lyhanie Cayabyab (17’) at Lyka Jane Cuenco (90’).
Napunta sa Kaya FC Iloilo ang Third Place matapos talunin ang Tuloy FC, 1-0, sa goal ni Sheen Nicole Ramores sa ika-83 minuto. Itinanghal si Dionesa Tolentin ng FEU bilang MVP at Shelah Mae Cadag ng Kaya bilang Best Scorer habang pinarangalan din sina Frances Caroline Acelo ng UP na Best Goakeeper, Jennifer Pamela Baroin ng UP na Best Defender at Charisa Marie Lemoran ng Kaya na Best Midfielder.
.





Comments