Azkals, 2nd place kontra Stallion Laguna sa PFL

ni Anthony Servinio - @Sports | November 10, 2020

Ipinakita muli ng Azkals Development Team na maliwanag ang kinabukasan ng Football sa Pilipinas matapos nilang wakasan ang kanilang kampanya sa 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa pamamagitan ng isang 2-0 tagumpay kontra Stallion Laguna Lunes ng umaga sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng mga Azkals at pansamantalang nagbigay sa kanila ng ikalawang pwesto sa liga na may siyam na puntos.
Gaya ng kanilang huling dalawang panalo, umarangkada ang ADT sa second half matapos ang 0-0 na first half. Pinasok ni Coach Scott Cooper ang reserbang si Carlo Dorin at nagbunga ito sa ika-52 minuto matapos niyang tapikin papasok ang sipa ni Yrick Gallantes laban sa nakahigang si Nelson Gasic para makauna, 1-0.
Hindi pa tapos ang 19-anyos na si Gallantes at nakakuha ito ng foul matapos pabagsakin malapit sa goal. Walang kabang pinasok ni Jarvey Gayoso ang ginawad na penalty kick upang dumoble ang kalamangan sa ika-62 minuto at hindi na ito nagbago sa gitna ang maraming tangkang bumalik ng mga beterano ng Stallion.
Dahil sa panalo ng ADT, kailangan manalo ng Kaya Iloilo laban sa kampeon United City sa kanilang huling nakatakdang laban upang makabawi at magtapos sa pangalawang puwesto. Kasalukuyang nasa pangatlong puwesto ang Kaya na may 8 puntos at hindi magiging sapat ang tabla lang dahil mas mataas ang goal difference ng ADT, +7 kumpara sa +2.
Umani ng pansin ang ipinakita ng ADT matapos matalo sa kanilang unang dalawang laro laban sa United City at Kaya na parehong nagtapos sa iskor na 1-0. Unang nakatikim ng tagumpay ang Azkals sa Mendiola 1991, 2-0, at sinundan ito ng 5-0 na tambakan sa Maharlika Manila.
Walang duda ang pinamalas na kalidad ni Gayoso na nagtapos na may apat na goal at dalawang assist sa limang laro. Maliban kay Gayoso, nagpasikat din si Chima Uzoka, Lance Ocampo at Dean Ebarle habang walang goal na pinalusot si Anton Yared sa lahat ng kanyang 225 minuto ng aksiyon.
Binubuo ng mga bituin ng nakaraang 2019 Southeast Asian Games at mga piling kabataang manlalaro, tinatag ang ADT upang magsilbing sanayan para sa mga bagong kasapi ng Philippine Azkals. Asahan na ilan sa manlalaro ng ADT ay aangatin ni Coach Cooper para sa mga kampanya sa 2021 kabilang ang pagpapatuloy ng qualifiers para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup sa Marso at ang naudlot na 2020 AFF Suzuki Cup sa Abril. Laro ngayong Huwebes – PFF National Training Center 4:30 Mendiola 1991 vs. Stallion Laguna.





Comments