Ayuda sa nagugutom na mga Pinoy, plis lang!
ni Ka Ambo - @Bistado | May 14, 2021
Isinusulong ng House Committees on Economic Affairs at Social Services ang tig-P1,000 ayuda sa bawat Pilipino na ipagkakaloob pa sa dalawang tranches.
Huh, ano ‘yun limos?
At ‘yan ay pagdedebatehan pa sa Kamara!
◘◘◘
GINAGAWANG timawa ng mga kongresista ang ordinaryong mamamayang nagdarahop sanhi ng COVID.
Imbes na P1-K ay gawin itong P10,000 kada pamilya tulad ng panukala ng grupong “Back to Service” call to action na pinamumunuan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano!
◘◘◘
MAHIGIT P200 bilyon ang kakailanganin na pondo na ayon kay Cayetano ay sapat na para mabigyan ng P10-K ayuda ang mga pamilyang Pilipino na dumanas ng sobrang kahirapan at kagutuman dahil sa COVID-19.
‘Yan ay dapat isama sa probisyon sa Bayanihan Act 3!
◘◘◘
ANO ang mabibili ng para sa tao?
Para lang kasi itong limos kumpara sa P10-K ayuda na puwede ng gamitin para sa pag-uumpisa ng maliit na kabuhayan para makabangon ang mga inilugmok ng COVID-19!
◘◘◘
‘EXTRAORDINARY times need extraordinary measures’ kaya hindi talaga uubra ang P1-K na ito.
Kumbaga, ‘thanks but no thanks’, kaya mismong si Cayetano na ang nanawagan ng tulong para sa taumbayan para hindi tuluyang patayin ng Kongreso ang P10-K Ayuda Bill!
◘◘◘
DAPAT pakiusapan natin ang mga kongresista na suportahan ang P10-K kada pamilya na ayuda.
Aniya, puwedeng sumulat ang concerned citizens sa kani-kanilang Representante at mga lokal na opisyal na i-endorso ang P10-K Ayuda Bill!
◘◘◘
MALAKI rin ang tiwala ni Cayetano na hindi ibi-veto ni P-Duterte ang P10-K Ayuda Bill kung ito ay makalulusot sa Kongreso dahil hindi naman maikakailang mahalaga at malaki ang maitutulong nito sa mga benepisaryo.
Ang problema, walang aksiyon ang Kamara sa P10-K Ayuda bill inilunsad na mismo ni Cayetano at ng kanyang mga kasamang kongresista!
◘◘◘
NOONG Mayo 1, Labor Day, mahigit 200 indibidwal ang nabigyan ng P10-K ayuda mula sa 13 lugar sa bansa kasama na ang Caloocan, Quezon City, Mandaluyong, Marikina, Taguig, Rizal province, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Camarines Sur at Ormoc City.
Aktuwal na sinimulan ng grupo ni Cayetano ang pamimigay ng P10-K kada pamilya noong Labor Day!
◘◘◘
KAMAKALAWA ay namigay din si Cayetano at ang kanyang grupo ng P10-K ayuda sa 20 indibidwal sa lalawigan ng Batangas.
Isinagawa ito ng grupo para pukawin ang damdamin ng mga kongresista na itaguyod ang P10-K Ayuda Bill!
◘◘◘
TULONG sa sambayanang Pilipino ang ipinanawagan ng BTS at isa itong Call to Action.
Noong Pebrero 2021 pa inihain ng grupo ni Cayetano ang panukala pero dinededma lang ito ng Kamara.
Kamara, gising na!
Aba’y kumilos naman kayo alang-alang sa mga gumagapang sa gutom!





Comments