Ayuda sa mga tsuper, ayaw pa ilabas ng DOTr at LTFRB, hay grabe!!!
- BULGAR

- Nov 19, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 19, 2020
ANG PAGTULONG, KUMPETENSIYA PALA PARA KAY P-DUTERTE—Binatikos ni P-Duterte ang pakikipagkumpetensiya ni Vice-Pres. Leni Robredo sa Duterte gov’t. sa pagtulong sa mga kababayang sinalanta ng magkakasunod na bagyo sa bansa.
Ang banat na ‘yan ni P-Duterte kay VP Leni ay sa kanya nag-boomerang dahil batikos ang inabot niya sa publiko kasi hindi dapat ituring ng Pangulo na contest ang pamimigay ng tulong sa mga kababayan sinalanta ng mga bagyo, period!
◘◘◘
BAYANIHAN SA RELIEF GOODS AT FAKE NEWS—Ang daming artista ngayon ang nagbabayanihan sa pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng relief goods sa mga kababayang binagyo at binaha.
Sa kabilang banda, may ilang DDS bloggers din ang nagbabayanihan, hindi sa pamimigay ng relief goods, kundi ang bayanihan nila ay pagpapakalat ng fake news, mga buwisit!
◘◘◘
MGA ENGINEERS ANG HEAD NG NIA SA MGA NAKARAANG ADMINISTRASYON, SA PANAHON NI P-DUTERTE RETIRED GENERAL—Sa mga nakaraang administrasyon nina ex-Presidents Fidel V. Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at Noynoy Aquino, ang itinalaga nilang head ng National Irrigation Administration (NIA) ay engineers, na dapat lang naman dahil kabilang sa mina-manage ng NIA ay mga dam sa bansa, pero sa panahon ni P-Duterte, ang itinalaga niyang head ng NIA ay retired military general na si Ricardo Visaya.
Ngayon, dapat pa bang i-memorize kung bakit hindi inunti-unti, at sa halip pinagsabay-sabay ang pagpapakawala ng tubig sa pitong spillway gates ng Magat Dam na nagdulot kaya nagmistulang sakop ng Pacific Ocean ang Cagayan at Isabela, boom!
◘◘◘
KAYA PALA NAMALIMOS ANG MGA TSUPER KASI ANG AYUDA PARA SA KANILA, AYAW PANG I-RELEASE NG DOTR AT LTFRB—Sa budget hearing ay natuklasan ni Sen. Grace Poe na hindi pa pala naipamamahagi ng DOTr (Department of Transportation) at LTFRB (Land Transportation Franchise and Regulatory Board) ang P5.58 bilyon na inaprub ng Senado para pang-ayuda ng Duterte gov’t. sa mga tsuper na nawalan ng hanapbuhay noong i-lockdown ng pamahalaan ang bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
‘Yan pala dahilan kung bakit namamalimos sa kalsada ang mga tsuper kasi ‘yung ayudang laan para sa kanila, ayaw pang i-release ng DOTr at LTFRB, tsk-tsk-tsk!





Comments