Ayuda sa mga binagyo tutukan, mga kurakot, ‘wag epal!

@Editorial | November 16, 2020
Tinatayang nasa P1.19 bilyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa hagupit ng bagyo.
Umabot naman sa P469.7 milyon ang pinsala sa imprastraktura habang nasa 25,852 kabahayan naman ang nawasak.
Base ito sa isinagawang damage assessment sa mga rehiyon na lubhang hinagupit ng Bagyong Ulysses.
Nangangahulugan ito na matindi talaga ang pinsalang iniwan ng nagdaang bagyo.
Hanggang ngayon ay patuloy ang search, rescue and operations sa mga grabeng sinalanta habang may ilang lugar naman na nagsisimula nang bumangon at umaasa sa anumang tulong.
At ang pagbangon ay hindi lang hamon sa mga pamilyang nawalan ng bahay o kabuhayan kundi, maging sa gobyerno.
Ang bilyong pinsala sa agrikultura at imprastraktura dulot ng Bagyong Ulysses ay hindi biro at hindi lang ito ang kinahaharap natin dahil may mga nauna nang bagyo ang nanalasa at nag-iwan ng matinding problema. May mga kababayan tayo hindi pa nga nakakabangon, nalubog na naman at balik sa umpisa.
Kaya patuloy ang panawagan hindi lang sa pamahalaan kundi maging sa mga pribadong indibidwal at grupo na may kakayahang umalalay. ‘Ika nga, walang ibang magtutulungan kundi tayo rin.
Hindi naman maiwasan ang pakiusap sa mga taong gobyerno na maging maingat, matalino at tapat sa paglalaan ng pondo bilang ayuda. Tigilan na ang pangungurakot, makonsensiya naman kayo!



Comments