"Ayuda is good, but we need job"
@Editorial | March 11, 2023
Umakyat sa 4.8 percent ang unemployment rate ng Pilipinas noong Enero ngayong taon, mula sa 4.3% noong Disyembre, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Katumbas ito ng 2.37 milyong Pilipino na walang trabaho sa bansa, kung saan mas mataas sa 4.5% o 2.24 milyong walang trabaho ang naiulat noong Oktubre 2022.
Gayunman, binanggit din ang rate ng mga walang trabaho noong Enero, mas mababa kaysa sa 6.4% na rate o 2.95 milyong walang trabaho na nakita sa parehong buwan noong 2022.
Samantala, ang underemployment naman ay bahagyang bumuti sa 6.65 milyon o 14.1 percent rate, mas mababa sa 14.2% noong Oktubre 2022.
Ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho ay pagkakataon din para mas mapabilis ang pagbangon mula sa pandemya, kasunod ay ang pag-asenso.
Masasabing malaking tulong ang ipinamimigay na ayuda, pero iba rin kung trabaho ang maibibigay sa milyun-milyong walang kayod.
Likas naman sa mga Pinoy ang pagiging masipag, sadyang hindi lang nabibigyan ng pagkakataon.
Sa palagay natin, kung magiging mas maayos ang sistema ng pagnenegosyo sa bansa, mas madali nating makakamit ang layuning ito.
Kaya unahin ang pagsasaayos sa gobyerno, mula sa mga patakaran hanggang sa proseso ng pagpapapasok o pagtatayo ng business. Alisin ang mga korup at istayl na bulok sa pang-aabuso sa mga negosyante.



Comments