Ayuda, huwag sanang magamit sa pulitika at 'pagpapabango'
@Editorial | Pebrero 26, 2023
Mataas pa rin ang inflation rate, marami pa rin ang hirap makasabay sa taas-presyo ng mga bilihin at dagdag-singil sa mga serbisyo.
Bilang tugon, inihayag ng pamunuan ng Department of Finance (DOF) na maaaring may isa pang round ng cash assistance para sa mahihirap na Pilipino.
Pinaplano umano ng DOF na palawigin ng dalawang buwan ang Targeted Cash Transfer (TCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa halip na P500, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng P1,000 sa nasabing panukala.
Natukoy na umano ang funding source o pagkukunan ng pondo para sa naturang ayuda at hinihintay na lamang ang anunsyo na magmumula sa Palasyo.
Masasabing malaking tulong naman talaga ang financial assistance na ibinibigay ng gobyerno, kahit paano ay naitatawid nito ang ilang araw na pangangailangan ng mag-anak. May mga pagkakataon pa na hindi lang simpleng ayuda ang naibibigay kundi oportunidad na makabangon nang tuluyan ang mahihirap. Ilang benepisyaryo na ang sumugal sa pagnenegosyo gamit ang natanggap na cash assistance na ngayon ay kumikita na talaga.
Ang nais lang sana natin ay mapunta sa mga karapat-dapat ang ayuda na galing din naman sa bulsa ng taumbayan.
Huwag sanang magamit sa pulitika o pagpapabango ng mga nasa puwesto. Mapanatili sana ang transparency at patas na pamamahagi ng tulong.
Umaasa tayo na mas marami pang mahihirap ang mabibigyan ng pagkakataon na makaraos hanggang sa dumating ang panahon na sila naman ang umaagapay sa kapwa.



Comments