top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Ayuda, dagdagan para makasabay sa taas-presyo

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 1, 2024
2 min read

by Info @Editorial | July 1, 2024



Editorial


Non-stop na naman ang presyo ng petrolyo, hindi lang mga tsuper ang apektado kundi lahat.


Kailangan na namang maghigpit ng sinturon dahil tiyak na sapul din ang presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo.


Kaugnay nito, plano naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpatupad ng adjustment sa halaga ng ipinamamahaging cash grant sa ilalim ng conditional cash transfer program nito, dulot na rin ng epekto ng inflation.


Ayon sa ahensya, ibabatay ang halaga ng ayuda sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamantayang ilalatag ng National Economic and Development Authority at ng Philippine Institute for Development Studies.


Ang sinasabing adjustment sa cash grants ay pag-uusapan na lang umano ng mga member agencies ng National Advisory Committee, na hindi na kinakailangang dumaan sa Kongreso.


Batay sa rekord, apat na buwang magkakasunod na naitala ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Noong Mayo, pumalo sa 3.9% ang inflation rate, bagama’t sinasabi ng Philippine Statistics Authority na pasok pa ito sa pagtataya na 2% hanggang 4%.


Sa ngayon, ipinamamahagi ang cash ayuda sa mga 4Ps beneficiaries ngunit sa kondisyong ipapasok sa iskul ang mga anak, mapababakunahan ang mga edad 0 hanggang 5, at iba pa. 


Kabilang sa kasalukuyang cash grants ay ang P750 na health grant, P300 ayuda kada bata na nag-aaral sa elementary school, P500 ayuda sa nasa junior high school, P700 ayuda sa senior high school, at rice subsidy na P600.


Samantala, sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act, aabot sa P106.335 bilyon ang alokasyon sa 4Ps program na pakikinabangan ng may 4.4 milyong household sa bansa.


Ito ang budget na inaasahang magiging katuwang ng mahihirap na pamilya sa gitna ng taas-presyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page