top of page

Ayaw tumandang dalaga, dapat sumama sa lahat ng gala para makilala si Mr. Right

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 5, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 05, 2021



Dear Maestro,

Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ang masuwerte kong araw, buwan at taon, gayundin ang kulay at numero at kung paano gagamitin ang mga ito? Sana ay malaman ko rin kung makapag-aasawa ako o habambuhay na talaga akong tatandang dalaga? December 10, 1974 ang birthday ko.


Umaasa,

Connie ng Rosario, Rodriguez, Rizal

Dear Connie,

Sa praktikal na pag-aanalisa, wala munang hula, sa totoo lang ay mahirap nang makapag-asawa kung ang edad ng isang babae ay tumuntong na sa 40, lalo pa sa iyo dahil 46-anyos ka na ngayon. Kumbaga sa bolitas ng hueteng ay gradweyt ka na, gayunman, abot na abot pa naman sa bolitas ng lotto.


Kung gusto mo talagang makapag-asawa, dapat seryoso ka sa paghahanap ng mga lalaking makakatugma mo sa buhay at makatutugon sa iyong pangangailangang seksuwal at emosyunal.


Ibig sabihin ng seryoso ay maging priority mo talaga ang pag-aasawa. Halimbawa, may isang grupo na nag-iimbita sa iyo, ‘wag kang mag-inarte pa, kung saan sasabihin pang, “Sige, pag-iispan ko muna kung sasama ako,” o kaya naman, “Sige, susunod na lang ako,” pero hindi naman pala sasama o susunod sa isang okasyong napag-usapan.


Kung ganu’n ang istayl ng pakikisalamuha mo sa iyong mga kaibigan at kakilala, paano ka nga ba makapag-aasawa? Parang takot ka sa mga activities na may kaugnayan sa lipunan, gayung dapat ay alam mo na sa paglabas-labas ng bahay, puwedeng makatalisod ka ng isang lalaking mapapangasawa.


Halimbawa namang may activities sa inyong lugar, anumang gawain ‘yun at niyaya ka, ‘wag kang tatanggi. Hindi dapat mamutawi sa bibig mo ang “Hindi ako makakasama kasi marami akong ginagawa.” Maaari ring ang iyong alibi ay, “Sige, kayo na lang dahil bawal akong mapuyat.” Kung ganyan ang attitude mo, paano ka nga ba makapag-aasawa?


Sa halip, para makapag-asawa ang isang tumatandang babae na tulad mo, kapag may nagyaya, wala nang pagdadalawang-isip pa, gora na! Pero siyempre, dahil mayroon pang pandemya, kapag lalabas ng bahay, sumunod pa rin sa health protocols na pinaiiral ng ating gobyerno.


Tandaan mo, sa bawat pagtitipon, okasyon, gawaing panlipunan o paglabas mo ng bahay, dagdag na oportunidad ang mga ito upang makatagpo ka ng lalaking makakasama habambuhay.


At para mabilis makatagpo ng lalaking mapapangasawa, dapat palagi ka ring magsuot ng kulay na dilaw na siyang kulay ng birth date mong 10 o birth date mong 1 (dahil ang 10 at 1+0=1) o kulay na pula, pink at iba pang kulay na hinango sa pula. Puwede rin ang asul at lila paminsan-minsan bilang pamalit sa pula.


Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29, lalo na at natapat sa araw ng Lunes, Linggo at Sabado ang nasabing mga petsa, dilaw ang suotin mong kulay. Habang tuwing sasapit naman ang petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, lalo na at natapat ang nasabing mga petsa sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula o asul ang gamitin mo. Sa ganyang paraan, mas madali mo nang mahahatak ang magandang kapalaran, lalo na sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Hinggil naman sa mapalad mong numero, ang lahat ng petsa sa itaas ay siya ring mapalad mong numero, sila ang mga numerong may sumatotal na 4, 1 at 3, 6, 9.


Dagdag pa rito, upang mas madali kang makapag-asawa, palagi kang magsasama sa mga taong may zodiac sign na Leo, Aries, Gemini at kapwa mo Sagittarius, higit lalo kung ang petsa ng kanilang birth date ay ang mga petsa na binaggit na sa itaas. Sapagkat darating ang isang pagkakataon sa iyong buhay na sa nasabing mga birth date huhugot ang kapalaran ng iyong mapapangasawa at makakasama habambuhay.


Habang, ayon sa iyong Love Calendar, sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad, tiyak ang maganap— kahit 46-anyos ka na, makapag-aasawa ka pa rin at magkakaroon ng simple at masayang pamilya na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2022 sa edad mong 47 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page