Ayaw mag-minority, kinasuhan ng plunder... Jinggoy inaresto, ‘di sumuko — Jonvic
- BULGAR

- Jun 2
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 2, 2026

Photo: Kumaway si Senador Jinggoy Estrada sa Senate media habang nasa sasakyan makaraang sumama sa mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng kanyang arrest warrant sa plunder, sa umano’y flood control fund scandal. (Mylene Alfonso)
Nilinaw ni Interior Sec. Jonvic Remulla na inaresto at hindi boluntaryong sumuko si Sen. Jinggoy Estrada matapos itong personal na silbihan ng warrant at basahan ng Miranda rights ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.
"We arrested him. I went there personally together with the CIDG. He was read his Miranda rights, and from there, he was brought here to Crame to be processed."
Una nang naglabas ang Sandiganbayan Fifth Division ng ikalawang warrant of arrest laban sa senador, sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa kasong pandarambong.
Samantala, sa kanyang biglaang press conference, sinabi ni Estrada na hindi siya humiling ng protective custody mula sa Senado at handa niyang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
“Kung ito ang kabayarang kailangan kong harapin dahil sa mga desisyong aking ginawa at sa mga prinsipyong pinili kong panindigan, handa akong tanggapin ang mga kahihinatnan nito, gaano man ito kahirap, lalo na para sa aking pamilya,” ani Estrada.
Ibinunyag ni Estrada na makailang beses umano siyang inalok na lumipat sa minority bloc kapalit ng pagbasura sa kanyang mga kaso, subalit tinanggihan niya ito.
“Maraming beses po akong inalok na talikuran ang independent majority bloc, kapalit ng pagbabasura sa aking kaso. Ngunit hindi ko po ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko, na ako'y manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” ani Estrada.
Paliwanag pa niya, “I stand my ground ngayon; kung tatanungin n'yo kung sino sila, abangan ninyo ang susunod na kabanata.”
Muli namang itinanggi ng senador ang mga paratang laban sa kanya.
“Paano ako masasampahan ng plunder kung hindi naman ako kabilang o itinuturong mastermind ng sinasabing operasyon? Wala akong kinalaman diyan,” dagdag niya.





Comments