Ayaw daw ipakita, gustong private lang… KLEA, UMAMING PAREHO SILANG NAGPA-TATTOO NI JANELLA
- BULGAR

- 14h
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | October 24, 2025

“Hindi s’ya couple tattoo,” ito ang sinabi ni Klea Pineda sa viral photo na nagpa-tattoo raw sila ni Janella Salvador na pareho ang disenyo.
Kamakailan, kumalat sa social media ang larawan nina Klea at Janella na nasa tattoo shop na pareho silang nagpalagay kaya’t sinabing ‘couple tattoo,’ lalo’t pareho naman nilang sinasabi palagi na, “What you see is what you get.”
Sa ginanap na 13th edition ng QCinema International Film Festival (QCIFF) kung saan kasama ang pelikula niyang Open Endings, sinagot ni Klea ang tungkol dito.
Aniya, “Hindi ko nga alam kung bakit kailangan pa kumalat ‘yung ganu’ng klaseng photo. Pero yes, galing kaming tattoo shop. Hindi s’ya couple tattoo.”
Totoong nagpa-tattoo ang dalawang aktres pero hindi raw sila pareho ng disenyo, at ayaw na nila itong ipakita.
“Ayaw namin, ayokong ipakita kung ano man ‘yung tattoo na nakuha ko, at ‘yung tattoo na ipinagawa n’ya kasi gusto namin, ako, i-keep ‘yun in private. Kung makita n’yo sa photos, eh, di makita n’yo,” katwiran ni Klea.
Nasabi pa ni Klea na hangga’t maaari ay gusto niyang i-keep muna kung ano ang meron sa kanila ni Janella basta masaya raw sila.
“This time, mas pinipili ko na kung anuman ‘yung mga magagandang nangyayari sa akin, sa love life ko, sa lahat ng aspeto ng buhay ko, gusto ko s’yang protektahan, ‘yung happiness, ‘yung magandang bagay na ‘yun.
“Kung ano man ‘yung nakikita n’yo sa social media, ‘yun na ‘yun, wala na kaming dapat i-explain, hindi naman namin utang na loob sa mga tao na ipaliwanag kung ano’ng meron, kung ano’ng klaseng relationship ‘yung meron kami,” pangangatwiran pa nito.
Samantala, sasabak naman ang pelikula nina Klea at Janella kasama sina Jasmine Curtis-Smith at Leanne Mamonong sa Asian Next Wave section ng Sapphic film na Open Endings (OE) pagkatapos mapanood sa katatapos na Cinemalaya 2025.
Makakalaban ng OE ang Diamonds in the Sand (DITS) na pinagbibidahan ni Charlie Dizon, ang entry ng Thailand sa Academy Awards sa susunod na taon na A Useful Ghost (AUG), at 6 na iba pang pelikula na pawang idinirek ng mga Asian filmmakers.
Ang mananalo sa seksiyon ang magsisilbing closing film.
Ang QCinema ngayong taon ay tatakbo mula Nobyembre 14 hanggang 23 sa anim na Quezon City mall theaters: Gateway, Ayala Malls Trinoma, Ayala Malls Cloverleaf, Fisher Mall, at Robinsons Galleria.
NAREBYU na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga pelikulang kalahok sa unang CineSilip Film Festival (CFF) upang matiyak na ang bawat likha ay may angkop na klasipikasyon batay sa kontemporaryong pamantayang kultural ng mga Pilipino.
Gaganapin sa Oktubre 22-28, tampok sa 2025 CineSilip Film Festival ang pitong pelikula na tumatalakay sa iba’t ibang klase ng tema at hindi tradisyunal na paraan ng pagkukuwento.
Ayon sa MTRCB, 6 sa 7 pelikula ang R-18 dahil sa maseselang lengguwahe, karahasan at sekswal na mga eksena na hindi angkop sa mga edad 17 at pababa.
Ang Lihim Ni Maria Makinang (ALNMM) sa direksiyon ni Gian Arre ay kuwento ng isang dalagang lumilitaw at tumatanda lamang tuwing kabilugan ng buwan. Naglalaman ito ng mga eksenang sekswal.
Ang Babae Sa Butas (BSB) ni Rhance Añonuevo-Cariño ay tungkol sa pagkikita ng isang drayber ng traysikel at isang misteryosong babae sa pamamagitan ng butas sa pader. Tampok dito ang ilang eksenang may karahasan at sekswal na aktibidad.
Ang Haplos Sa Hangin (HSH) ni Mikko Baldoza ay tungkol sa pagtataksil at obsesyon ng isang lalaking nasangkot sa bawal na relasyon. Pagnanasa, pagkakasala, at pagtataksil sa sensuwal na paraan ang paksa.
Ang Maria Azama: Da Best P*rn Star (MA:DBPS) ni Alan Habon ay nakasentro naman sa pantasya ng isang binata sa pamamagitan ng panonood ng video ng isang porn star na si Maria.
Ang Pagdaong ni Pongs Leonardo ay tungkol sa isang kilalang manunulat na si Luna, na kinompronta ng isang mag-aaral na nais tuklasin ang mga lihim sa likod ng kanyang mga tula.
Ang Salikmata ni BC Amparado ay kuwento ng isang lalaking napilitang harapin ang kaparusahan ng pakikipagrelasyon sa anak ng isang makapangyarihang pulitiko.
Samantala, ang Dreamboi na pinagbibidahan ni Tony Labrusca at idinirek ni Rodina Singh ay R-18 mula sa X-rating batay sa desisyon ng komite.
Pahayag nila, “Dreamboi serves as a meaningful venue for transgender representation in Philippine cinema. Through the character of Diwa, the film portrays the emotional and sexual life of a transwoman with honesty and dignity, moving beyond stereotypes. Its treatment of sensuality is symbolic rather than exploitative, expressing the human longing for love, identity, and acceptance.
“Artistically, it uses sound, light, and intimacy to reveal the inner world of desire and isolation often unseen in mainstream narratives. While containing explicit material that warrants an R-18 classification, Dreamboi remains valuable for its authentic portrayal of marginalized experience and contribution to inclusivity in Philippine storytelling.”
Binigyang-diin ng Board na mayroong committee system na umiiral para matiyak na ang lahat ng pelikula ay dumadaan sa masusing rebyu batay sa Presidential Decree No. 1986.
Sa kaso ng Dreamboi, nag-submit ang mga producers ng tatlong bersiyon. Bawat isa ay masusing nirebyu ng iba’t ibang komite na binubuo ng tatlong magkakaibang Board members—patunay lamang na patas, objective, at metikuloso ang prosesong isinagawa ng ahensiya.
Patuloy na hinihikayat ng MTRCB ang mga magulang at nakatatanda na gamitin ang angkop na klasipikasyon ng Board bilang gabay sa pagpili ng angkop na pelikula para sa kanilang pamilya.








Comments