Away at sakitan ng mag-partner na taong uno, kayang iwasan kung may magpapa-under
- BULGAR
- Apr 24, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 24, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ang posibleng mangyari sa relasyon namin ng boyfriend ko, kung compatible ba kami at kapag kami na ang nagkatuluyan, magiging matagumpay at magiging maligaya rin ba ang itatayo naming pamilya? September 28, 1992 ang birthday ko at May 10, 1990 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Ms. Libra ng Tagum City, Davao del Norte
Dear Ms. Libra,
Kapag ang dalawang strong number ay nagsama tulad ng birth date mong 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) at nagkataon 1 rin ang birthday ng boyfriend mo (dahil ang 10 ay 1+0=1), ang tendency ay maaaring magkahiwalay din kayo sa bandang huli.
Ibig sabihin kasi ng “strong number” na tulad n’yo na kapwa nagtataglay ng number na 1, ay may pagkamayabang, ma-ego, arogante, ma-pride at may pagka-atribida. Dagdag pa rito, mahilig makipagtalo na hindi naman nagpapatalo o nagpaparaya. Sa halip, ang gusto niya ay palaging siya ang panalo. At dahil ang birth date na 28 o 1 na siya ngang birth date mo ay strong number, gayundin ang birth date na 10 o 1 ay strong number din na birth date ng boyfriend mo, kaya tulad ng nasabi na, pareho kayong mayabang at ma-ego.
Dahil dito, kapag nagsama ang dalawang indibidwal na kapwa ma-ego, ma-pride, mayabang at parehong akala mong buong-buo ang loob, ano ang palagay mong mangyayari?
Tama ang sagot mo, kumbaga sa usapan ng mga istambay, “magpapataasan sila ng ihi” hanggang sa wala sa kanilang magpatalo o magpasensya. At kapag nagdedebate sa isang maliit na bagay, palalakihin nila ito nang palalakihin hanggang sa tuluyang lumala ang kanilang debate na mauuwi na sa totoong pag-aaway at tampuhan.
At dahil walang nagpapatalo, magiging “pattern” na ng pagsasama nila ang ganu’ng sitwasyon. Kumbaga, palagi silang nagpapagalingan hanggang sa bandang huli, dahil hindi makakatiis ang isa’t isa, sa pagiging “strong personality” nilang dalawa ay magkakahiwalay din sila. Sapagkat ang tendency ay ang palagi silang nagpapagalingan at walang nagpapatalo, kaya sa bandang huli, ang kanilang relasyon ay talo dahil maaaring sa paghihiwalay din sila mauuwi.
Sinasabi ko sa iyo ang mga bagay na ‘yan, hindi para paghiwalayin kayo ngayon. Bagkus, inaanalisa lang natin ang takdang kapalaran o ang mangyayari sa inyong relasyon, na sa matuling salita, sinasabi ko sa iyo ‘yan, upang ngayon pa lang, kailangang may isa na inyong may strong number ang dapat matutong magpakumbaba o magsakrispiyo upang maging successful ang nasabing relasyon.
May mga naitala pa ngang kaso na parehong strong number na magkapareha na kapag nag-aaway ay nagpupukulan sila ng mga gamit. Buti na lang, bukod sa mayabang, ma-ego at ma-pride ang mga taong may strong number na 1 ay magaling din silang umilag, kaya kapag pinukol ng kanyang kapareha ang isa, hindi siya tinatamaan at nakakatakbo pa agad.
Ang problema, paano kung hindi na makailag? Paano kung habang tumatakbo ay nadapa ka? At paano kung higit na asintado ang pumupukol sa umiilag? ‘Yun nga ang masakit na senaryo sa buhay ng kapwa may strong number, malamang na grabeng magkakasakitan sila— emotionally at physically.
Hindi tulad sa dalawang mag-asawang may weak number. Magkasakitan man sila ng isang beses, mas mauuna ang takot na masaktan ang kanyang kapareha o kung makasakit man ang isang taong may weak number, agad niya itong pinagsisisihan.
Hindi tulad ng mga taong may strong number, kapag nakasakit siya ng kapwa, iba ang nasa isip niya, sa loob-loob niya, “Buti nga sa iyo, kulang pa nga ‘yan, eh. Kasi ayaw mo sa aking maniwala, ang tigas-tigas ng ulo mo, siguro naman ngayon magtatanda ka na!”
Ganu’n kawalang-hiya ang mga taong may strong number sa sandaling nahusto at nag-apoy na talaga ang galit nya sa kanyang asawa. Kahit anong pananakit ang kanyang ginawa, siya pa rin ang tama at may katwiran dahil ipinanganak siyang ganu’n. Sa pagkakaalam kasi niya, dahil siya ang nakasakit at kung sino ang nakasakit, siya pa ang tama.
In short, para maging maligaya ang relasyon ng parehong may strong number, tulad ng nasabi na, kailangang may isang magpaka-weak sa kanila.
At kapag may nagpa-under sa mag-asawang may strong number, yumayaman din sila at habambuhay ding nagiging maunlad at maligaya ang kanilang pamilya.



Comments