Awat muna sa panibagong tax, lubog na ang mamamayan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 20, 2022
ISANTABI MUNA ANG DAGDAG-TAX NGAYONG MATAAS ANG PRESYO NG MGA BILIHIN—Ngayong panahon ng krisis, huwag munang talakayin ng mga senador at kongresista ang dagdag-tax kasi sa totoo lang ay hindi ito katanggap-tanggap sa taumbayan.
Mantakin n’yo, sobrang taas na nga ng presyo ng mga bilihin, tapos magdaragdag pa ng panibagong tax, siyempre, ang tatamaan na naman ay ang mamamayan.
Kaya’t kung may natitira pang awa ang mga senador at kongresista sa mamamayan, isantabi muna nila ang pagpapataw ng panibagong tax sa taumbayan.
◘◘◘
PORK BARREL NG MGA MAMBABATAS ANG DAPAT IPANTULONG SA MAHIHIRAP NA MAMAMAYAN—Kung sina Sen. Chiz Escudero at incoming House Speaker Martin Romualdez ay totoong may malasakit sa mamamayan, tulad ng kagustuhan nilang i-postpone ulit ang barangay at SK (Sangguniang Kabataan) elections para ang gagastusing P8 bilyon ay maipantulong sa mga kababayan nating lubos na naghihirap, hindi ang P8-B barangay funds ang dapat nilang pag-initan dahil maliit lang ang halagang ‘yan.
Ang dapat gawin nina Escudero at Romualdez ay kausapin ang mga kapwa mambabatas na huwag silang tatanggap ng mga pork barrel projects at ang mga pork barrel ang siyang gagamitin para matulungan ang mahihirap nating kababayan.
◘◘◘
P1.9-B PANG-AYUDA NA HINDI NAIPAMAHAGI, BAKA SA BULSA LANG NG MGA BUWAYA SA DSWD MAPUNTA—Ibinulgar ng Commission on Audit na higit P1.9 bilyong pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa panahon ni ex-P-Duterte ang hindi naipamigay sa mga Social Amelioration Program (SAP) beneficiaries.
Kaya pala maraming kababayan natin ang dumaraing na hindi sila nabigyan ng ayuda, ‘yun pala’y hindi ipinamigay ng DSWD ang ayuda.
Dapat itong imbestigahan kasi baka sa bulsa ng mga buwaya sa DSWD lang napunta ang ayuda na laan para sa mamamayan.
◘◘◘
KUNG MAKAPAGYABANG NOON SI TUGADE, AKALA MO MARAMING NATAPOS NA PROYEKTO, PURO DELAY NAMAN—Ibinulgar din ng COA na na-delay ang implementasyon ng Department of Transportation (DOTr) na dating pinamumunuan ni ex-Sec. Art Tugade sa 14 proyektong may pondong P1.6 trilyon.
Hay naku, kung makapagyabang si Tugade sa mga interview noon, akala mo pagkarami-raming proyektong nagawa, eh, ‘yun pala’y delay ang implementasyon o hindi pa nag-o-operate ang kanyang mga ibinibidang proyekto ng DOTr.





Comments