top of page

Australia, pinakamalaking biktima ng PHL Women's Booters

  • BULGAR
  • Jul 6, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 6, 2022



Muling bumida si Sarina Bolden at ipinasok nag-iisang goal sa nakakagulantang na 1-0 tagumpay ng Pilipinas sa paboritong Australia sa pagsisimula ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship Lunes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Walang duda na ito na ang pinakamalaking biktima sa kasaysayan ng national team na sasabak sa 2023 FIFA Women’s World Cup.

Nagmilagro sa ika-60 minuto kung saan tumalon at sinalo ng ulo ni Bolden ang pasa ni Eva Madarang. Tumalbog ang bola sa lupa at tumalbog papasok sa ring at hindi na nahabol ni Australian goalkeeper Jada Mathyssen-Whyman at umakyat sa 10 ang mga goal ni Bolden mula 2018.

Nagpamalas ng disiplinadong depensa sa harap ng mas matangkad at malakas na bisita na ika-12 sa FIFA World Ranking kumpara sa ika-53 para sa mga Pinay. Nagdagdag ng 3 minuto sa orasan ang reperi at linampasan ng Filipinas ang kanilang pinakamalaking pagsubok. Ginawaran ang Australia ng free kick sa ika-91 minuto malapit sa goal subalit naharang ng depensa ang bola ilang saglit bago ang huling pito na hudyat ng selebrasyon.

Matapos ang laro ay nanawagan si Coach Alen Stajcic na punuin ng mga tagahanga ang Rizal Memorial sa mga nalalabing laro.

Sisikapin ngayong Miyerkules ng Filipinas na manatili sa taas ng Grupo A sa pagharap nila sa Singapore ng 7 p.m. sa Rizal Memorial. Bago noon, gagawin ng Australia ang lahat upang makabawi kontra sa Thailand sa 4 p.m. Galing ang Singapore sa isang 0-0 tabla sa Malaysia noong Lunes.

Tinambakan ng Thailand ang Indonesia sa Binan Football Stadium, 4-0, para sa maagang liderato ng Grupo A. Maglalaro ang Malaysia at Indonesia sa Imus Grandstand ng 7 p.m.

Samantala, lumasap ng ikalawang sunod na talo ang Pilipinas sa kasabay na 2022 AFF Under-19 Boys Championship sa Jakarta, Indonesia. Nagwagi ang Vietnam sa Batang Azkals, 4-1, kung saan ang nag-iisang goal ng mga Pinoy ay ipinasok ni Sandro Reyes sa ika-53 minuto.


Mga laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial Stadium


4:00 PM Thailand vs. Australia;

7:00 PM Pilipinas vs. Singapore;

7:00 PM Indonesia vs. Malaysia (Imus)


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page