AU Chiefs, balik finals maghahanda vs. Blazers
ni Gerard Arce - @Sports | July 18, 2022

Muling magbabalik sa Finals ang Arellano University Lady Chiefs para sipatin ang kanilang ika-apat na sunod na kampeonato matapos pasabugin ang Jose Rizal University Lady Bombers ng itala ang 19-25, 25-20, 27-25, 25-17 panalo sa second round ng stepladder semifinal knockout stage ng 97th NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V-Centre sa San Juan City.
Naging malaking hugot mula sa bench si Pauline De Guzman na kumana ng game-high sa kabuuang 19 puntos mula sa 14 atake, 3 aces at 2 blocks upang maitakda ang pakikipagharap sa undefeated at awtomatikong finalist na De La Salle-College of St. Benilde Lady Blazers sa darating na Miyerkules.
Inihanda at pinagkatiwalaan ng husto ni Lady Chiefs head coach Roberto Javier si De Guzman sa mga ganitong sitwasyon kasunod ng paggaling sa injury upang makatulong sa pagpasok ng koponan sa ika-anim na sunod na finals appearance habang hinahanap ang kanilang ika-apat na sunod na kampeonato.
“Nakita ko si [Princess]Bello na sa simula pa lang talagang binantayan ng JRU, sabi ko hindi ito lulusot. Si Pau, nung nagsimula pa lang kami siya yung sinsabi talagang angat sa lahat, hindi ko lang siya nagamit nung mga nakaraan kase galing ng injury, so nasabi ko na magandang pagkakataon na mailalabas ko siya sa bandang huli, ayon nagbunga naman,” pahayag ni Javier matapos ang laro sa post-game interview. “Bago ko siya ipasok, tinanong ko siya kung kaya na niya, ang sagot niya sa akin, matigas na OO coach kaya ko, so ibinigay ko yung trust ko sa kanya at alam ko yung bata gustong-gusto ng maglaro.”
Nag-ambag rin ng kontribusyon para sa Lady Chiefs sina Trina Abay na may 14 puntos, Carla Donato (13pts) at Nicole Sasuman (12pts).





Comments