Asuncion ng Panthers, bumida sa Double ot ng President's Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 12, 2022

Dumaan sa dalawang overtime ang Narvacan Panthers bago maagaw ang 124-122 panalo sa Quezon Barons sa pagpapatuloy ng 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng FSD Insurance at Converge Linggo ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City. Sa naunang laro ay nagwagi ang Laguna Pistons sa wala pa ring panalong Cagayan Valley Water Buffalos, 107-98.
Bumanat ng pitong sunod-sunod na puntos ang Panthers sa pangalawang overtime upang maagaw ang lamang, 124-119, at hinigpitan ang kanilang depensa sa huling minuto at wakasan ang tatlong magkasunod na talo. Nanguna sa Narvacan si Krooberg Best Player Danilo Asuncion na may 22 puntos at 16 rebound habang 22 puntos din si Jack Arquero at sinundan ni Redel Fabro na may 20 puntos at 22 rebound.
Tumira ng three-points si Arvine Calucin ng Barons na may 4 na segundo sa orasan upang itakda ang unang overtime, 97-97. Si Asuncion naman ang gumawa ng milagro at naka-shoot na may 2 segundo ang nalalabi para sa pangalawang overtime, 113-113.
Sumakay ang Pistons sa 14 puntos ni Jeff Disquitado sa 3rd quarter upang burahin ang 49-47 lamang ng Cagayan Valley at ibahin ang timpla ng laban pabor sa kanila, 80-72. Sa gitna ng huling hirit bumawi ng Water Buffalos, sinigurado nina Disquitado at Raymart Amil ang tagumpay sa kanilang tig-2 free throw sa huling 30 segundo.
Nanguna si Krooberg Best Player Disquitado sa halimaw na numero na 33 puntos, 18 rebound at 0 na assist. Sinundan siya ni Angelo Rosale na may 23 puntos at dalawang sunod ang panalo ng Laguna sa unang pagkakataon ngayong torneo.





Comments