Astrolabio, babanat sa unang world title fight
- BULGAR
- Mar 24, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | March 24, 2023

Sasabak sa kanyang unang world title bout si rising Filipino boxer Vincent “Asero” Astrolabio kontra kay dating world title challenger Jason “Mayhem” Moloney ng Australia para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) bantamweight title sa Mayo 13 sa hindi pa matukoy na lugar.
Nakatuntong bilang number one challenger ang 25-anyos na tubong General Santos City sa IBF 118 lb belt na isa sa mga binakanteng titulo ni dating undisputed 118-lb titlist Naoya “Monster” Inoue matapos umakyat sa mas mabigat na super-bantamweight category.
Subalit napagdesisyunan ng kampo ni Astrolabio (18-3, 13KOs) na piliing harapin si Moloney, imbes na sa makakatapat nito sa IBF title na si dating world champion Emmanuel “Manny” Rodriguez ng Puerto Rico.
Tatayong co-feature ang harapan nina Astrolabio at Moloney sa WBO middleweight title fight nina title holder at dating World at Asian Championship winner Janibek “Qazaq Style” Alimkhanuly ng Kazakhstan at Steven “Bang-Bang” Butler ng Canada.
Matatandaang matagumpay na nakuha ng 5-foot-5 orthodox boxer ang karapatan na maging No.1 contender sa IBF matapos patumbahin si Russian brawler Nikolai Potapov sa kanilang title eliminator nung Disyembre 17 sa Las Vegas, Nevada sa bisa ng sixth round knockout, kabilang ang WBO Inter-Continental 118-lb title.
Nakapwesto rin bilang No.2 ranked si Astrolabio sa WBO na pinangungunahan ng two-time World challenger na si Moloney bilang No.1 contender, habang No.5 din ang Pinoy boxer sa WBC title na paglalabanan naman nina Nonito “The Filipino Flash” Donaire at Alejandro Santiago ng Mexico.
Kabilang ang panalo kontra Potapov sa anim na sunod na panalo ni Astrolabio na dinaig si dating two-time Olympic gold medalist at two-division champion Guillermo “Jackal” Rigondeaux.








Comments