Artificial shortage ng asukal, talupan
ni Ryan Sison - @Boses | July 31, 2022
Dahil sa ulat na artificial shortage sa asukal na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng naturang produkto, magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Undersecretary for consumer and political affairs Kristine Evangelista, nakatanggap sila ng mga reklamo hinggil sa artificial shortage ng partikular na produkto at nagsasagawa rin ng beripikasyon ang ahensya tungkol sa mga reklamo ng hoarding o manipulasyon. Kung sakaling mapatunayan na totoo ang reklamo, gagawa umano sila ng karampatang hakbang.
Naninindigan ang opisyal na kailangang maitama ang presyo ng asukal mula sa production dahil kailangang maprotektahan ang mga konsyumer.
Samantala, nakatakdang makipagpulong ang DA sa industry stakeholders para makabuo ng bagong cost structure, na magsisilbing basehan para sa pagpresyo ng asukal sa mga susunod na buwan. Gayundin, pag-uusapan ang nakaambang kakulangan ng suplay at kung magpapatupad ng suggested retail price para sa asukal at kung paano pupunan ang supply deficit sa pamamagitan ng importasyon.
Base sa price monitoring ng Sugar Regulatory Administration’s (SRA), ibinebenta ang pinong asukal sa mga supermarkets sa halagang P69.30 hanggang P115 kada kilo, habang sa wet markets naman ay nasa P88 hanggang P95 kada kilo.
Sa totoo lang, maraming negosyante ang apektado ng sabay-sabay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular na ang asukal. Ang siste, kani-kanyang diskarte na lang para maitaguyod ang hanapbuhay dahil hindi kakayanin kung basta titigil ang kabuhayan dahil sa taas-presyo.
Matagal nang pasan ng mga konsyumer ang problema na dala ng non-stop price hike, kaya naman panawagan sa mga kinauukulan, bilis-bilisan ang pagkilos.
Napapanahon na para imbestigahan ang mga reklamo at magpatupad ng mga kaukulang aksyon.
Lubhang apektado ang maliliit na negosyo, gayundin ang mga ordinaryong mamamayan, kaya plis lang, bilisan natin ang pag-aksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments