top of page

Arellano, kumapit sa 4-peat title ng Cheerleading Contest

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 2, 2023
  • 1 min read

ni Gerard Arce @Sports | May 2, 2023



Kinumpleto ng Arellano University ang sariling four-peat title reign nang muling mapagtagumpayan ang 98th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Cheerleading Competition, Linggo ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.


Kumulekta ng kabuuang 245.5 puntos ang Arellano Chief squad upang maibulsa ang panibagong kampeonato matapos matigil pansamantala ang paghahari nito sa kompetisyon dulot ng naganap na lockdowns kasunod ng COVID-19 pandemic na napagwagian ng huli noong 2019 sa MOA Arena sa Pasay City.


Sa kabuuan ay mayroon ng limang titulo ang Sampaloc-based cheering squad, kabilang ang kampeonato noong 90th season noong 2014-2015, na agad na binawi ng league-best University of Perpetual Help System Dalta Altas na may kabuuang siyam na kampeonato, kabilang ang isang three-peat at five-peat reign mula 2010-2014.


Ang Perpetual rin ang sumegunda ngayong taon sa 227.5 puntos, para sa kanilang ikalimang runner-up finish, habang nakuha ng Colegio de San Juan de Letran ang kanilang ika-apat na third place finish sa 215.5 puntos.


Kinapos naman sa podium finish ang one-time champion na Mapua Cardinals sa 210.5, San Beda University sa fifth place sa 204, Emilio Aguinaldo College sa sixth sa 196.5, College of Saint Benilde sa seventh sa 183.5, Lyceum of the Philippines University at San Sebastian College sa eight place sa parehong 155.5 at season 84 titlist Jose Rizal University sa pinakahuli sa 138.5.


Ito na ang pinakahuling torneo ng liga ngayong season 98th sa pagsasara ng hosting ng EAC Generals na nakatakdang ipasa ang responsibilidad sa 99th season host JRU Bombers.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page