top of page

ARAL Program, sagot sa academic recovery crisis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 13, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Kamakailan ay iniulat ng Department of Education ang kanilang Middle of School Year Assessments, kung saan ipinakita ang positibong epekto ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.


Ayon sa ulat ng ahensya, lumabas na umangat ng humigit-kumulang limang puntos ang kahandaang bumasa o reading readiness ng mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6. Samantala, umabot naman sa anim hanggang siyam na puntos ang inangat sa performance ng mga mag-aaral sa Grade 7 hanggang Grade 10. Lumabas din sa ulat ng DepEd na 3.42 milyong mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6, at 1.72 milyong mag-aaral mula Grade 7 hanggang 10 ang malapit nang makamit ang grade-level reading proficiency.


Bilang may akda at sponsor ng ‘Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act, ikinatutuwa kong nakakamit natin ang ating layunin upang matulungan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong. Ating balikan kung ano nga ba ang ARAL Program Act. 


Layunin ng batas na ito na matulungan ang ating mga mag-aaral na nahihirapang umunawa sa kanilang mga aralin, lalo na pagdating sa Reading, Mathematics at Science. Sa ilalim ng programang ito, magtatalaga tayo ng mga tutors na magbibigay suporta sa ating mga mag-aaral upang iangat ang kanilang critical at analytical thinking skills. 


Bahagi ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon ngayong taon ang buong suporta para sa pagpapatupad ng ARAL Program. Kaya naman sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan tayo ng P8.96 bilyon upang palawakin pa ang pagpapatupad ng ARAL Program at mapaigting natin ang learning recovery. 


Sa pamamagitan ng pondong ilalaan natin sa taong ito para sa pagpapatupad ng ARAL Program, 440,000 na mga tutors ang itatalaga natin sa ating mga pampublikong paaralan. Layunin nating tiyakin na magkakaroon ang bawat paaralan ng tutor upang maabot ang mga mag-aaral nating higit na nangangailangan ng tulong. Inaasahang 6.7 milyong mag-aaral ang tutulungan natin para sa School Year 2026-2027.


Titiyakin natin ang epektibong paggastos sa mga pondong inilaan natin para sa iba't ibang programa sa edukasyon. Kung magagamit natin nang tama ang makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor, malayo ang ating mararating upang tuluyan nating masugpo ang krisis na kinakaharap natin sa edukasyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page